Sana po’y hindi ninyo mamasamain ang pagsulat ko.
Isa po ako sa mga tumutol at nagalit doon sa pagsayaw ng anak ninyo sa palabas ni Willie Revillame. Alam na po ninyo marahil na marami pang ibang ganoon din ang reaksyon.
Iba-iba mga dahilan. Merong nalaswaaan sa sayaw. Merong nagreklamo na paglabag ito sa batas na nagtatanggol sa mga karapatan ng bata.
Nais ko po sanang ipaliwanag din ang ugat ng pagtutol ko, dahil batay po ito sa karanasang pareho nating pinagdaanan: Pareho tayong tatay.
Alam ko pong magkaiba ang landas na tinahak natin. Pinalad akong magkaroon ng kahit paano’y maginhawang buhay dito sa Amerika. Sa palabas po ni Revillame e nabanggit ninyo ang hirap ng buhay ng pamilya ninyo.
Malamang e madaming hirap din ang dinanas ninyo sa pagpapalaki kay Jan-Jan. Bagamat may mga pagkakaiba sa buhay natin, masasabi ko rin pong nakatikim din ako ng hirap sa pag-aalaga ng anak.
Kami po ng misis ko e walang katulong sa bahay, kaya kami ang nagbantay, nagpuyat, nagpalit ng mga diaper, nagpakain at nagpaligo, nagdala sa doktor, at naniguradong ligtas ang aming mga anak.
Tulad ninyo, naging excited po kami, natawa, nabilib, at ipinagmalaki sa mga kamag-anak noong unang maglakad o magsalita ang mga anak namin—at lalo na noong una silang kumanta o sumayaw o magpakita ng kahit anong galing.
Wala po akong problema sa showbiz o sa pag aartista. Kung gustuhin ng mga anak ko—at kung meron silang galing para rito—susportahan po namin sila, sisikaping magabayan at maalalayan.
Wala din po akong problema sa mga batang nag aartista. Naging tagahanga ako noon ni Aiza Seguerra at laking tuwa ko noong lumitaw siyang muli sa publiko, hindi lang bilang mahusay na folk singer, kundi isa ring artistang may pinaninindigan.
Alam ko pong hindi kayo sang-ayon sa mga sinabi ng marami, pati na ako, na hindi dapat pinasayaw ang anak ninyo at pinag-astang macho dancer sa TV.
Subalit, sa akin pong palagay, nilapastangan ang bata.
Sa akin pong palagay, hindi siya dapat nalagay sa sitwasyong iyon.
Sa akin pong palagay, nakasusuklam na, dahil magaling siyang magsalampak ng pera sa mga mukha ng tao, lalo na sa mga mahihirap, e okey lang sa isang sikat na TV host na mambastos ng mga kapwa natin Pilipino.
Sa isang sulat, sinabi ninyong “nagpapaumanhin kami kung mayroong iba ang pananaw sa pagsayaw ni Jan Jan.” At ako naman po ay humihingi rin ng pag-unawa ninyo dahil magkaiba ang pananaw natin dito.
Lumabas din ang balitang may nag-alok daw sa inyo ng isang milyong piso para lang siraan si Revillame. Kung totoo po ito, kakampi ninyo ako at marami pa sa pagbatikos dito.
Dahil isa pa pong ayaw kong mangyari e ang gawing basketbol na pinagpapasa-pasahan si Jan Jan at ang pamilya ninyo. Tutol po ang marami sa amin ‘di lang kay Revillame, kundi sa lahat ng pang wawalanghiya sa bata na nakikita namin sa mga palabas sa TV, hindi lang sa kanya.
Kakampi ninyo rin po ako, at marami pang iba, sa pagtutol at pagtanggi sa pananaw na, “E ganoon naman talaga ang mga mahihirap, kahit mga anak ipapain sa kahit ano, magkapera lang.”
Tinatanggihan ko po ito dahil alam kong hindi ito totoo.
Dahil marami po akong mga kakilala at kaibigan na laki sa hirap, at hikahos hanggang ngayon, na lubos ang pagmamahal sa kanilang mga anak, na kahit anong mangyari ay hindi sila ipapahamak.
Sa gitna po ng kontrobersyang ito, meron akong imumungkahi sa inyo.
Di ko alam kung posible, pero sana po’y maiatras ninyo na si Jan Jan. Sana’y maitras ninyo na ang pamilya ninyo. Kung gustuhin ninyo po ay maraming tutulong na manawagan na hayaan na kayong manahimik ng media at iba pang grupo. May mga kaibigan po akong reporter sa Maynila na magulang din tulad natin—alam kong sasang-ayon sila dito.
At kahit po ang mga kababayan nating sumali sa kampanya sa Facebook ay iniisip ang kapakanan ni Jan Jan at ng pamilya ninyo. Tinitiyak nila na habang pinaglalaban ang kanilang paniniwala, e hindi mas lalo pang nasasaktan ang bata.
Hiniling na ng mga namumuno ng kampanya na wag nang ipasa at ipaskel ang video kung saan kita ang mukha ni Jan-Jan. Karamihan po sa kanila e mga tatay at nanay din tulad natin.
Kung magkaroon man ng mga hearing dahil sa mga planong imbestigasyon, kung gustuhin ninyo e may mga tutulong ding manawagan na gawin itong tago sa publiko—na hindi ito maging karnabal kung saan masasabak na naman si Jan-Jan sa di kanais nais na atensyon.
Nagpapaabot po ako ng pakikiisa sa inyo dahil, tulad nang binanggit ko, pareho tayong tatay. Ang pusta ko po e, sa kabila ng lahat, mabuti kayong ama, na nakakaranas din kayo ng pagkabahala pag may nakikita kayong batang nalalagay sa peligro—kahit hindi ninyo anak.
Ang hula ko rin e kung mangyari man (at maniwala kayong titiyakin kung hinding-hindi mangyari ito) na kung matagpuan ninyo sa mall o sa kalye ang anak kong halos kasing-edad ni Jan-Jan, na mukhang balisa, natatakot, nawawala, na kusa ninyo siyang lalapitan para tanungin, “Okay ka lang, boy? Asan ang tatay mo? Halika’t tutulungan kitang hanapin.”
Sana po’y maunawaan ninyo na marami sa amin ang nagalit dahil, bilang mga magulang, nasaktan kami sa napanood namin. Na sa mukha ni Jan-Jan, balot sa lungkot, gumuguhit ang mga luha, nakita namin ang mukha ng sarili naming mga anak.
Maraming salamat po.
Copyright 2011 by Benjamin Pimentel. On Twitter @KuwentoPimentel.
No comments:
Post a Comment