Featured Post

MABUHAY PRRD!

Friday, February 17, 2012

OFW na napinsala ang katawan dahil sa aksidente, humihingi ng tulong para makauwi sa Pinas


Nanawagan ng tulong sa pamahalaang Aquino para makauwi na sa Pilipinas ang isang overseas Filipino worker (OFW) sa Jeddah, Saudi Arabia na nagtamo ng matinding pinsala sa katawan matapos makuryente.

Sa panayam ng GMA News, sinabi ni Alfredo Salmos, 53-anyos, tubong Nueva Ecija, na mahigit isang taon na siyang naghihirap sa kanyang kalagayan mula nang makuryente sa kanyang part-time job.

Ayon kay Salmos, nahihiya na siya sa mga taong naabala niya na tumutulong at nag-aalaga sa kanya. Dahil sa aksidente ay nagdikit ang ilang bahagi ng balat sa kanyang katawan kaya hindi na siya makakilos ng maayos.

Mahigit 35 porsiyento ng katawan ni Salmos ay naapektuhan ng pagkakasunog na dulot ng kuryente. Pinakagrabe ang tinamo niya sa harapan mula sa mukha hanggang sa dibdib.

Kuwento ng OFW, naganap ang aksidente habang naglilinis siya ng isang cubicle na may kuryente na umaabot halos sa 14,000 ang boltahe. Hindi umano niya batid na hindi nai-off ng operator ang kuryente.

Nang magkamalay, nasa ospital na siya at nalaman niya sa kanyang duktor na 27-araw siyang na-comatose.

Hindi naman naisagawa ang operasyon para mapaghiwalay sa nagkakadikit-dikit niyang balat dahil sariwa pa raw ang sugat sa loob ng kanyang katawan.

Malungkot na nagbalik-tanaw si Salmos na napilitan lang siyang tanggapin ang trabahong naging dahilan ng kanyang pagkaka-aksidente dahil nawalan siya ng trabaho.

“Nagresign na po ako nung una pero hindi po sila pumayag at ako ay pinadala sa ibang lugar. Pagdating ko, doon ko lang nalaman na tinerminate na pala ako ng aking amo," ayon sa OFW.

Sinubukan daw niyang kausapin ang mga amo niya pero walang nangyari hanggang sa mapaso ang aking residence permit. Ito umano ang dahilan kaya napilitan siyang tumanggap ng ibang trabaho para may maipanggastos.

Bukod sa pinsala sa katawan, malaking problema rin ni Salmos para makauwi ang exit visa na hindi niya napatatakan dahil meron siyang dapat ipa-clear sa Immigration.

Nagpahayag na umano ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na may makukuha siyang benepisyo sa nangyaring aksidente pero problema naman niya kung papaano lalakarin ang mga dokumento dahil sa kanyang kondisyon at kawalan ng pera.

Nakadagdag din umano sa hinanakit ni Salmos ang ginawang pag-iwan sa kanya ng kanyang pamilya na nagtungo na sa Hawaii.

“Alam po nila ang nangyari sa akin pero galit po sila sa akin. Sabi nila sa akin, iba na raw ho ngayon. Sinubukan kong tumawag pero pinapatayan ako ng cellfone," umiiyak na pahayag ni Salmos.

Ang kanya na lang daw ina ang kanyang inaasahang uuwian sa Pilipinas.

Sinabi naman ni Philippine Consulate Consul General Uriel Norman Garibay, na hindi nabibigyan ng exit visa si Salmos dahil sa nakitang record nito tungkol sa kanyang sasakyan noon.

Hangga't hindi naaayos o nawawala ang record ay hindi matatatakan ng exit visa ang pasaporte ng OFW. At dahil expired na ang residence permit (Iqama) ni Salmos, hindi raw ito kaagad maayos.

Pinayuhan ng opisyal si Salmos na nakipag-ugnayan sila sa employer nito upang mapa-renew muli ang kanyang Iqama. Nagsabi naman daw ang mga ito na makikipagtulungan sa Konsulado para makauwi na sa bansa ang OFW. - Ronald Concha/FRJ/KG, GMA News

No comments: