Featured Post

MABUHAY PRRD!

Monday, February 20, 2012

Mga kaparaanan tungo sa pagpapa-unlad ng pambansang buhay

Minamahal na Mga Kalahi:

May isang kaisipang pumailanglang na umano'y dapat ihinto ang pagpapa-aral ng abogasiya sa Pamantasan ng Pilipinas.

Nakapag-iisip nga naman; at makatuwiran ang ganung pananaw.

Sa pakiwari ng Filosopong-Gubat ay may katuwiran ang nagmunukala nuon; sapagka't labis-labis ang pagka gumon ng ating mga marurunong sa larangan ng pulitika.

Talaga nga naman: higit na kailangan ng ating pambansang kabuhayan ang mga gintong kaisipan sa agham -- at dito mag-uusbong ang higit na mga kaalaman ukol sa agrikultura -- na tunay na angkop sa klima ng ating bansa -- at sa mga pananaliksik at pagtuklas ng samut-saring mga kaparaanan tungo sa pagpapa-unlad ng pambansang buhay.

Ang ilan pang mga dapat pagtuunan ng higit na pansin at pagpapahalaga ay ang pamamalakaya, o pandaragat. Ang ating bansa ay KARAGATAN ANG MALAKING BAHAGI ng teritoryo.

Dapat pagtuunan ng pansin at kakayahan ng ating mga mamumuhunan ay ang paggagawa ng mga sasakyang-dagat; at pagpapa-aral ng mga MARINERO.

Sa halip na ang ating mga marino ay sa ilalim ng mga watawat ng ibang bansa maglingkod, ay makaubuti na ang ganitong uri ng kabuhayan ang sikhayin, dalisayin at paunlarin sa ating bansa; at dito ibuhos ng ating mga mamumuhunan ang kanilang yaman para sa kapakanan ng mga susunod nating saling-lahi.

Kailan pa kaya tayo magkakaroon ng mga barkong malalaki at eroplanong dito ginawa at pinagbuti sa Pilipinas?

Mananatili na lang baga tayo na maghihintay ng mga pinaglumaang ginamit sa mga nakaraang digma ni Tiyo Sam?

Maramng salamat po sa inyong pansin at paglimi sa mga pananaginip-ng-gising ng isang karaniwang mamamayan --

Ang Filosopong-Gubat

No comments: