Featured Post

MABUHAY PRRD!

Thursday, June 23, 2011

Philippine Embassy in Thailand

Kahapon nagtungo kami sa Bangkok upang ayusin ang visa naming mag-ina. Mula Pithsanulok, limang oras kaming nagbiyahe sa bus patungong Bangkok. Umalis kami sa Pithsanulok ng alas dose ng gabi upang maaga kaming makarating ng Bangkok. Dahil maulan, naging mas mabilis ang biyahe. Ganap na alas-sais ng umaga nagbiyahe na kami patungo sa Philippine Embassy sa Sukhumvit Road. Inaasahan namin na alas-otso ng umaga bukas na ito. Isa pa, iniisip ko na ang embahada ay laging bukas para sa mga Pilipinong maaga kung dumating at sa mga Pinoy na nangangailangan ng tulong, halimbawa na lamang ay "OFW in distress".

Sa madaling sabi, ganap na 7:30 ng umaga nasa harap na kami ng Embassy. Pagdating doon, laking gulat namin sapagkat alas 9:00 pa pala sila ng umaga magbubukas, magsasara ng 12 ng tanghali, bukas ulit ng 1:00 ng hapon at magsasara ng 4:00 ng hapon. Kung gayon, sila ay 6 na oras lamang na nakabukas sa maghapon, o anim na oras na trabaho sa maghapon.

Dahil maulan, kinakailangan naming maghanap ng masisilungan. Ayaw kaming papasukin ng mga guwardiyang Thai kahit pa sinabi namin na Pilipino kami at nangangailangan ng tulong. Limang minuto bago mag-alas nuwebe, nakapasok na kami sa Embassy. Kakaunti lamang ang tao sa Embassy. Nang umagang iyon, sampu lamang kami, at ang kalahati doon ay pawang may sinamahan lamang.

Eksaktong alas nuwebe nasa loob kami ng Embahada. Literal na nasa lupang pag-aari na ng Gobyerno ng Pilipinas. Naghintay pa kami ng sampung minuto bago may lumabas na tao. Mga bandang 9:30 pa nagdatingan ang mga empleyadong binabayaran ng gobyerno ng Pilipinas.

Dalawang Pinoy ang nakausap ko, marami na silang karanasan sa pagpunta sa embahada, at masasabing hindi maganda. Nagbigay na rin sila ng mga opinyon tulad ng "waiting shed". Ang mga Pilipino sa Thailand ay nagmumula pa sa iba't-ibang probinsya na nagbibiyahe ng 5 hanggang 10 oras para lamang makapunta sa Bangkok at kumuha o magpapirma ng dokumento, ngunit pagdating sa Embahada, kinakailangan pang maghintay para lamang makuha ang serbisyo.

Dahil pagod sa biyahe, pumasok ako sa rest room. Muli, nakita ko na naman ang kahidhidran ng embahada. Napakamura ng toilet paper at sabon sa Thailand. Ngunit kahit kapirasong toilet paper, wala! Sabi ng isang Pinoy, nag-bi-bidding pa raw, kaya hindi pa nakakabili ng toilet paper.

Isang Pilipina naman ang dumating para rin magpa-authenticate ng dokumento, sabi niyan"ganito talaga dito sa embassy. Noon ngang pumunta ako dito, ang laki-laki ng tyan ko dahil buntis ako, ni hindi man lang ako pinapasok at hinayaan lang na tumayo sa labas ng gate. Buti na lang naawa ang guard sa akin at binigyan ako ng upuan."

Makalipas ang may kalahating oras, dumating na rin ang lalaking nasa may "window" para harapin kami. Pero sa katotohanan, ikot lang siya ng ikot sa loob ng opisina at ayaw lang muna talagang lumabas. Kinakailangan naming ipa-authenticate ulit ang birth certificate ni Kairos at marriage certificate ko (kahit ito ay authenticated na ng DFA sa Pilipinas). Muntik na akong mapasigaw ng "holdap" pala ito, dahil ang kinakailangan kong bayaran ay Bhat 2,250! 1, 125 kada isang dokumento. Humirit pa ko ng tawad, pero hindi pwede siempre. Nanghingi na lang ako ng tubig. Sabi nya, (mabait naman ang lalaki at laging nakangiti) may water dispenser daw dun sa may pinto. Kaya lang walang tubig. (ang tatlong galon na tubig sa Bangkok ay 10 bhat lamang, nagbi-bidding pa rin siguro). Matapos ang ilang saglit, sabi niya ipa-photo-copy ang dalang dokumento sa labas, hindi kasama sa bayad ang photo-copy.

Matapos ang photo-copy at makuha ang bayad, muli kaming naghintay ng may 45 minuto. May dumating pang dalawang dayuhan para kumuha ng visa, pero ang receptionist cum cashier ay wala na sa "window". Naghintay pa ng may 10 minuto ang dalawang dayuhan. Tinanong niya kami kung nasaan daw ang tao, sabi ko na lang ay "sleep".

At matapos ang 45 minutong paghihintay, muntik na naman akong himatayin, dahil dun pala sa photo-copy na iyon ilalagay ang tatak ng embahada na binayaran namin ng 2,250 bhat! Mas nagulat naman ang babaeng kasabay namin, dahil ang dokumento nya ay hand-written na lamang! Sabi ko, ito lang po ba? Paniniwalaan ba ito?

Paglabas namin ng embassy, ang tanging nasabi ko na lamang, "Para tayong bumalik sa Pilipinas." Maswerte ang mga naka destino sa embahadang ito, dahil bihira ang "Pinoy in distress" dito, pero paano kung dumating ang araw na may mangailangan ng kanilang tulong? Kinakailangan pang maghintay ng 9:00 ng umaga? Hindi ba't ang mga embahada ng bansa ay kinakailangang nakahanda lagi sa loob ng 24 na oras, sapagkat sila ay nasa bansang ito upang magbigay ng tulong at hindi maging "bayarang mga turista"? Simple lamang naman ang hinihingi ng mga Pilipinong nagtutungo doon, ang maging bukas sila sa anumang oras. Hindi namumulot ng pera ang mga Pinoy na nasa ibang bansa, para maningil ng ganoon kalaki. Naisip ko tuloy, hindi na baleng mahal ang singil, ngunit sana naman may toilet paper sila sa banyo at may tubig ang water dispenser.

Lumabas kami ng embassy, at hindi ako nagpasalamat sa lalaki sa "window".

No comments: