Featured Post

MABUHAY PRRD!

Wednesday, April 25, 2012

THE PRESIDENT AND THE MEDIA

by professionalheckler

IN A SPEECH during the Philippine Press Institute’s National Press Forum last Monday, April 23, 2012, President Aquino slammed the media for inaccurate and negative reporting. The Professional Heckler obtained the original draft of that fiery speech.

SPEECH OF HIS EXCELLENCY BENIGNO S. AQUINO III***
PRESIDENT OF THE PHILIPPINES
PHILIPPINE PRESS INSTITUTE’S 16TH NATIONAL PRESS FORUM
TRADERS HOTEL, MANILA
APRIL 23, 2012

Naalala ko pa ang kuwento ng aking yayang mahusay magluto ng paborito kong tostadong corned beef. Minsan raw ay nagpasya siyang maghanda ng adobong alimango. Dahil fresh at buhay ang mga nabili niyang alimango, nag-alala si yaya. “Paano kung tumalon palabas ng kaserola ang mga alimango?” Ngunit dahil wala naman siyang choice at gutom na rin kami ng aking mga kabaril-barilan ng time na ‘yon (opo, bata pa lang ako ay mahilig na ako sa baril), ibinuhos niya ang mga alimango sa kaserola. Nagtangkang tumakas ang ilang alimango ngunit dahil sa paghila pababa ng kapwa alimango, nabigo silang makaalis sa kaserolang may kumukulong tubig. Namatay ang mga alimango. Sa sobrang awa, umiyak ako secretly that same night.

Bata pa po ako nang marinig ang kwento ni yaya ngunit ang aral na napulot ko sa kwentong ‘yan ay hinding-hindi ko malilimutan. Tuwing nagbabasa ako ng diyaryo, nakikinig ng radyo, at nanonood ng telebisyon, naaalala ko ang mga alimango ni yaya. Huwag n’yo nang isalin sa Ingles ang “mga alimango ni yaya” dahil mahalay pakinggan.

Anyway, bakit ko ibinahagi sa inyo ang kwento ng alimango? Simple lang naman: Marami sa mga miyembro ng local media ang utak-alimango. Sa halip na isapubliko ang kapuri-puring mga nagawa ng pamahalaan, mas pinipili pa nilang ibandera ang mga negatibong balita. Gusto kong maniwalang The Daily Tribune, Manila Standard, at Manila Times lang ang saksakan nang nega. Ngunit hindi pala.

Bibigyan ko kayo ng ilang halimbawa. Sa Twitter, isang talunang vice presidential candidate ang nag-tweet na namasyal daw kami ni Grace Lee sa Promenade, Greenhills isang katanghaliang tapat. Ni-retweet agad ito ng mga tsismoso, mga atat, at mga intrigero. Ang nakakalungkot, isang TV station ang nagbalita kaagad ng paglalamyerda ko raw. Por Diyos por santo, mula alas-diyes ng umaga hanggang alas kuwatro ng hapon ay dumudugo na ang ilong ko habang ka-miting ang NEDA board upang magsuri at mag-apruba ng mga proyekto, paano ako makakapamasyal? Worse, sa Greenhills pa raw?!? Kung inyong babalikan ang history ng mga date ko, never akong nag-Greenhills. Either sa Shangri-la, Greenbelt 3 or 5 (ang Greenbelt 1 ay masyado nang masa) o kaya ay sa Serendra kami pumupunta.

At bakit naman 'di ako maiinis? 'Yong TV station na naglabas ng balita ay may reporter sa palasyo. Parang nananadya eh. Ano ba naman ‘yong iverify muna kung umalis ba talaga ang aking sasakyan sa Malacañang? Sa halip na mag-imbestiga muna, bumabanat na agad sila. Mabuti na lamang at very active sa Twitter si Atty. Edwin Lacierda. Kaagad niyang pinatulan itinama ang walang basehang balita.

May mensahe nga pala ako sa defeated vice presidential candidate na nag-tweet ng maling impormasyon. Dude, nami-mersonal ka! Dahil ba ika'y La Salle at ako naman ay Ateneo? Dahil ba Kapatid ka at Kapamilya ako? Dahil ba mestizo ka at Chinito Pinoy ako? Unfair eh. Unfair.

Nang magsalita ako sa energy summit sa Mindanao, naglatag ako ng mga posibleng solusyon sa black out sa rehiyon. Ngunit ano ang lumabas sa mga website at pahayagan? “Pacquiao gets the cold shoulder” “PNoy snubs Pacman” Gusto kong linawin at tapusin ang isyung ito. Walang isnabang nangyari. To be liberal about it, binasa ko lang kung ano ang nakasulat sa teleprompter.

Mahigit siyamnapung libong kabataan ang kikita ngayong summer sa Expanded Government Internship Program ng DSWD. Subalit ano ang mas pinagtutuunan ng media? Ang pagbubuntis ni Katrina; ang away nina Amalia at Annabelle Rama, at ang demandahang Cristine Reyes at Ara Mina.

Isipin na lang po natin ang epekto nito. May kakilala po akong magbabalik-bayan sana. Ngunit nagdadalawang-isip na siyang umuwi nang mapanood sa The Filipino Channel ang nagaganap na karahasan sa bansa. Pinayuhan ko siyang mag-subscribe instead sa GMA Pinoy TV kaya lang kalaban pala ‘yon, ‘wag na lang.

Mantakin po ninyo: Noong Pebrero, mahigit 411,000 ang turistang dumalaw sa ating bansa. First time po ‘yan sa kasaysayan ng turismo ng Pilipinas. Halos kalahati na po iyan ng target nating sampung milyong turista sa taong 2016. Isipin na lang po natin kung gaano kabilis maaabot ang target na iyan kung mas mangingibabaw ang positibong balita tungkol sa Pilipinas, kaysa uunahin ang negatibismo? Paulit-ulit na lang ako. Sino bang sumulat ng speech na ito?

Naaalala pa ba ninyo ang carnapper na si Raymond Dominguez? Noong kasagsagan ng carnapping with murder incidents, banner headline sa mga pahayagan ang nagawang krimen ni Dominguez. Pati nga si Katrina Paula (by the way, sexy siya), may interview pa.

Last week, nahatulan si Dominguez na makulong ng hanggang tatlumpung taon. Pero nasaan ang balita? Nasa inside pages, nasa metro section na nilalampasan lang ng mga readers ng diyaryo. Wala pang dalawang taon, may desisyon na ang kaso. Gano’n kabilis! Pero may pumuri ba sa hukom? Wala! (Alam kong promotor ako ng pagbatikos sa hudikatura pero sabi nga, “Do as I say, not as I do.”)

Ayon din po sa estadistika ng ating kapulisan, bumaba ng 59.4 percent ang insidente ng carnapping sa taong 2011. But what made the news instead?
“Aquino’s rating drops”
“Fuel price increases pull Aquino down”
“Aquino’s public satisfaction rating plummets”

Bastusan na talaga!

Noong nakaraang linggo, headline sa isang website: “PNoy, Grace Lee break up.”Nagmula raw ang balita sa tatlong sources na napakalapit sa akin. At sabi pa sa artikulo, “confirmed.” Natatawa na lang ako. Pati ba naman sa aking love life, nangingibabaw pa rin ang pagiging negatibo ng media? Meron bang break na nagdi-dinner pa sa Greenbelt? Meron bang hiwalay na nag-uusap ng at least five hours every day? Meron bang break na nagti-text ng sweet nothings kada oras? Titigan n’yo ako. Ito ba ang hitsura ng lalaking kaka-break lang sa kasintahan? Kung break na kami ni Grace, bakit inspired pa rin akong magtrabaho? So, please… give me a break!

Baka naman sabihin n’yong masyado ko kayong pinag-iinitan. Baka isipin n’yo, ‘yong butas lang ng doughnut ang palagi kong nakikita at napagdidiskitahan. Hindi po. Sa katunayan, may mga nasulat din naman kayong kapuri-puri. Narito ang ilang halimbawa:

63% of Pinoys believe Corona has hidden wealth

Court denies Gloria Arroyo’s plea to go to hometown for voter registration

Corona caught in a corner

Gloria Arroyo's suspension sought

Corona rating worsens

People power to unseat Corona

There’s the Rub by Conrado De Quiros

Corona rating down to new low, says survey

Magandang ehemplo ang mga ganitong klaseng headlines. Ang mga tulad nito ay sumasalamin sa patas at walang pinapanigang pamamahayag. Keep it up.

Naniniwala po akong iisa ang bangkang sinasakyan ng bawat Pilipino, at lahat ng Pilipino ay may tungkuling makisagwan upang maabot natin ang ating mga pangarap. This is not a threat pero sabi nga ni George W. Bush, "If you're not with us, you're against us."

Kung magpupunla po tayo ng pagdududa sa publiko, paghihirap ang idudulot nito. Ngunit kung pag-asa ang ating itatanim, kasaganahan naman ang ating aanihin.

No to negativism!
Think positive!

Maraming salamat at mabuhay ang mamamahayag na Pilipino!

Postscript:
Lumabas na po ang desisyon ng Korte Suprema sa Hacienda Luisita. Sa botong 14-0, iniutos ng Kataas-taasang Hukuman sa aming pamilya na ipamahagi ang aming lupain. Hindi ko sinasabing huwag n’yong gawing banner headline ang balitang ‘yan. What I'm just saying is, that's a piece of bad news. Maging positibo. Iwaksi ang negatibismo! Muli, maraming salamat sa inyong lahat!

***Purportedly, the first draft of the speech.
---------------------------------------------
“Journalists aren't supposed to praise things. It's a violation of work rules almost as serious as buying drinks with our own money or absolving the CIA of something.”
~P.J. O'Rourke

You Have Spoken
Pabor ba kayong gumamit ng prepaid power (electricity)?
- Why not? Para makatipid. 35.68%
- No way. 29.52%
- Pag-aaralan ko muna. 34.8%

Have a productive week!

I am on Twitter: @HecklerForever.

No comments: