Featured Post

MABUHAY PRRD!

Friday, May 2, 2014

Minsan may Isang Puta

May 1, 2014
by Ms. Mike Portes
Minsan may Isang Puta Garden of Eve (Ganap na Babae)
“Garden of Eve (Ganap na Babae)” is a multi-narrative indie film, that was honored twice in New York and was recognized by no less than the Philippine National Commission for Culture and the Arts (NCCA) and the Office of the President with the ANI NG DANGAL (Harvest of Honor) award. “Minsan may Isang Puta” won the film grant in 2010 to be a part of an Indie film project, “Ganap na Babae”. Director and screenplay writer Sarah Roxas together with two other distinguished women directors weaved together three short film screenplays to make a full length feature movie in “Ganap na Babae” (International title : Garden of Eve).

Tingin ng mga bobong kapitbahay ko, puta daw ako. Nagpapagamit, binabayaran. Sabi nila, ako daw ang pinakamaganda at pinakasikat sa aming lugar noon. Di ko nga alam kung sumpa ito, dahil dito naletse ang kinabukasan ko.
Tara, makinig ka muna sa kwento ko, yosi muna tayo.
Alam mo, maraming lumapit sa akin. Nagkagusto at naakit. Ang hirap pag lahat sa iyo, virgin eh. Tinanggap ko naman silang tao, bakit kaya nila ako ginago? Hindi ko maintindihan ang mga nangyari sa akin. Bukas palad ko naman silang pinakitunguhan, ni hindi ko nga itinuring na iba. Iniisip ko na nga lang na kasi di sila taga rito kaya siguro talagang ganoon.
Tatlong malilibog na foreigners ang nagpyesta sa katawan ko. Sabi nila na-rape daw ako.
Sa tatlong beses akong nagahasa, ang pinakahuli ang di ko makakalimutan. Parang maski di ko ginusto ang mga nangyari, hinahanap-hanap ko siya. Kasi, ibang-iba ang hagod niya. Umiikot ang mundo ko sa tuwing ginagamit niya ako. May mga pagkakaton na nasusuka na ko sa mga nangyayari sa aming dalawa. Parang ‘pag humahalinghing siya, nararamdaman ko na nalalason ako.. Gusto ko mang umayaw, hindi ko makuhang humindi. Hindi ko din alam kung bakit. Ibang klase din kasi siya mag-sorry eh, lalo pa at inalagaan niya ako at ang mga naging anak ko.
Alam mo, parating ang dami naming regalo – may chocolates, yosi at ano ka! May datung pa! Nakakabaliw siya! Alam kong ginagamit niya lang ako pero pagamit naman ako nang pagamit. Sa kanya namin natutunan mag-inggles, di lang magsulat ha! Magbasa pa!
Nung kinasama ko siya, guminhawa buhay namin. Sosyal na sosyal kami! Ewan ko nga ba, akala ko napapamahal na ako sa kanya. Akala ko tuloy-tuloy na kaligayahan namin, yun pala unti-unti niya akong pinapatay.
Punyetang buhay! Sa dami ng lason na sinaksak niya sa katawan ko, muntik na akong malaspag. Ang daming nagsabi na ang tanga tanga ko. Palayasin ko na daw. Taon ang binilang bago ako natauhang makining sa payo. Iniisip ko kasi na parang di ko kakayanin na mawala siya sa akin… Sa amin!
Sa tulong ng ilan sa mga anak ko, napalayas ko ang demonyo pero ang hirap magsimula. Hindi nga ako sigurado kung nabunutan ako ng tinik o nadagdagan pa. Masyado na kasi kaming nasanay sa sarap ng buhay na naranasan namin sa kanya, kaya eto nabaon kami sa utang. Lubog na lubog kami sa pagkakautang, kulang yata pati kaluluwa namin para ibayad sa mga inutang namin.
Nakakahiya man aminin pero hanggang ngayon, sa tuwing mabigat ang problema ko, siya ang tinatakbuhan ko. ‘Yun nga lang, kapit sa patalim sabi nga nila. Para akong isang aso na nangagat ng amo, na bumabahag ang buntot at umaamo kapag nangangailangan.
Usap-usapan ako ng mga kapitbahay ko. May nanghihinayang, namumuhi at naaawa. Puta na kasi ang isang magandang katulad ko. Ang dating hinahangaan at humahalina ay nabibili sa murang halaga. Alam mo maski ganun ang mga nangyari sa akin, nilakasan ko pa rin ang loob ko. Kailangan makita ng mga anak ko, na masasandalan nila ako maski ano pang mangyari.
Maski ano pa ang sabihin ng iba, sinisikap namin na maging maganda ang buhay namin. Nag-aambisyon kami at nangangarap. Ayun, may mga anak ako na nasa Japan, Hong Kong, Saudi. Yung iba nag-US, Canada, Europe. ‘Yung iba ayaw umalis sa akin. Halos lahat, wala naman silbi. Masaya daw sa piling ko, maski amoy pusali ako.
Sa dami ng mga anak ko na nagsisikap na tulungan ang kalagayan namin, siya din ang dami ng mga anak ko na nanamantala sa kabuhayan at kayaman na itinatabi ko para sa punyetang kinabukasan naming lahat. Eto na nga ang panahon na halos di na kami makaahon sa hirap ng buhay. Napakahirap dahil nasanay na kami sa ginhawa at sarap.

Alam mo, gusto ko na sanang tumigil sa pagpuputa kaso ang laki talaga ng letseng utang ko eh. Palaki pa ng palaki! Paano na lang ang mga anak kong naiwan sa aking puder? At paano na lang ang mga anak kong nasa abroad? Baka di na nila ako balikan o bisitahin man lang? Hindi na importante kung laspagin man ang ganda ko, madama lang ng mga anak ko ang pagmamahal ko. Malaman nila na ibibigay ko ang lahat para sa kanila.
Sa tuwing titingin ako sa salamin, alam ko maganda pa rin ako. Meron pa din ang bilib sa akin. Napapag-usapan pa din. Sa tuwing nakikita ko ang mukha ko sa salamin, nakikita ko ang mga anak ko. Tutulo na lang ang mga luha ko ng di ko namamalayan. Ang gagaling nga ng mga anak ko eh, namamayagpag kahit saan sila pumunta. Mahusay sa kahit anong gawain. Tama man o mali.
Sa dami ng mga anak ko, iilan lang ang may malasakit sa akin. May malasakit man, nahihilaw pa.
Mabigat dalahin para sa akin, ang katotohanan na ni minsan ay di kami naging isang pamilya. Halos lahat ng mga anak ko, galit sa isa’t isa. IIlan ang gusto magtulungan, naghihilahan pa. Madalas kong itinatanong sa sarili ko kung naging masama ba akong nanay para magturingan ng ganito ang mga anak ko?
Kanino bang similya ng demonyo nanggaling ang mga anak kong maituturing mong may mga pinag-aralan pero nakakadama ng saya at sarap sa paghihirap ng kapatid nila? Di ko lubos maisip kung saan impiyerno nanggaling ang kasikiman ng ilan sa mga anak kong ito. Sila pa naman ang inaasahan kong magbabangon sa amin.
Nakakabaliw isipin na natitiis nila ang kalagayan ng kanilang mga kapatid na halos mamatay sa hirap ng buhay. Parang di sila magkakapatid sa tindi ng pagkaganid at walang pagmamalasakit.
Ang di ko akalain ay mismong mga anak ko, ang tuluyang sisira sa akin. Kinapital ang laspag na ganda ko. Masaya sila sa mga nabibili nila mula sa pinagputahan ko. Buong angas nilang pinagyayabang ang mga pansamantalang yaman at ang kanilang hilaw na pagkatao sa mga makakakita at makikinig. Talaga bang nakakalula ang materyal na kayamanan at mga titulong ikinakabit sa pangalan? Hindi ko maintindihan.
Minsan sa pagtingin ko sa salamin, ni hindi ko na nga kilala sarili ko.

Dadating na naman ang pasko, sana maalala naman ako ng mga anak ko. Ilang linggo pa, magbabagong taon na. Natatakot ako sa taong darating. Ngayon pa lang usap-usapan na ang susunod na pangbubugaw sa akin.
Gagamitin pa nila ang kahinaan ng mga kapatid nilang alipin sa kalam ng tiyan. Sa tagal ng panahong ganito ang sitwasyon namin parang eto lang ang sulok na gagalawan ko. Sana may magtanggol naman sa akin. Ipaglaban naman nila ako. Gusto kong isigaw: “Ina ninyo ako! Pagmamahal nyo lang ang kailangan ko!”
Sensya na, ang haba na ng drama ko. Masisira na ang make up ko nito eh. Salamat ha, pinakinggan mo ako. Malaking bagay sa akin na nakausap kita. Ang tagal nating nag-usap, di man lang ako nagpapakilala.
Ay sorry, di ko nasabi pangalan ko.

Pilipinas nga pala.
AUTHOR’S NOTE:
“Minsan may Isang Puta” is finally home after 10 years in circulation. Before the allegory was written back in 2004, my insights were one with few of the people at Pinoy Exchange, these people formed the core of GetReal Philippines.
Maraming salamat sa lahat ng mga nag-fwd/share, naglathala, isinadula at nag-post sa kanilang mga blog site ng “Minsan may Isang Puta”.
Maski hindi po ako propesyonal na manunulat ay binigyan ninyo po ng pansin ang aking mga akda.
Hiling ko lang na HUWAG angkinin ang aking akda at gawing school project o isali sa kumpetisyon gamit ang inyong pangalan. Ang “Minsan may Isang Puta” ay may copyright sa National Commission for Culture and the Arts. Ang unang version ay lumabas sa www.peyups.com noong 2004.
Thank you to Direk Sarah Roxas for giving face to my allegory. WATCH THE TRAILER and READ THE REVIEWS
To POLSCI 192 SECTION F class of the UNIVERSITY OF THE PHILIPPPINES BAGUIO under Ms. Dina Marie Delias, thank you for your review. To MRS. JACQUELINE BOLANTE of Fatima University Valenzuela, Ma’am BRON of UST FILIPINO and THEATER TEACHERS whom I won’t be able to name at DLSU-Manila, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, Ateneo de Zambaonga, I am greatly honored that you chose to read my article to your students. You have pandered on the youth’s hunger for the unconventional and nourished their minds with reality.
For the non-Filipino speaking readers who posted the article in their blog sites and have asked their Filipino friends to interpret, Thank you very much and please accept my regrets for not being able to translate the article in the lingua franca. I’m sure your Filipino-speaking friends has well interpreted the story with much emotion. The article is really meant for my countrymen and I feel that there is no better way to address them than to speak in our mother tongue.
Once again, Maraming salamat and God bless us all!
————————-
Kung pumukaw sa iyo ang artikulong ito, basahin ang
isang tugon.
#Pilipinas #MinsanMayIsangPuta

Ms. Mike Portes

Mike is the author of "Minsan may Isang Puta", an allegory which has been circulating since 2004 and with over 30,000 likes and shares in social media alone. It won a film grant in 2010 to be included in the multi-narrative Indie film "Ganap na Babae" (International title: Garden of Eve). The teaser, reviews and commentaries are here. The movie was honored as Cinemalaya 2010's opening film and has won international and local recognition. Mike's first sole authored book "The Dove Files", available at amazon.com endeavors to pay forward.The royalties from the initial 150 copies first went to a Project Malasakit scholar who graduated Cum Laude in April 2013, the rest was also paid forward to baby Mark who underwent a liver transplant in March 2013. The royalties from the succeeding prints of "The Dove Files", now go to a deserving Mangyan scholar who despite having been laughed at and nicked as "Taong-bundok", prevailed and recently graduated from High School.

No comments: