Featured Post

MABUHAY PRRD!

Sunday, May 20, 2007

SA AKING MGA KABABATA

PAMBATA
ARALIN I
Sa Aking Mga Kababata

Isinulat ni José Rizal noong siya ay 8 taong gulang

Okay, mga kids, handa na ba kayo?
Basahin natin ang tula.


Sa Aking Mga Kababata
ni José Rizal


Kapagka ang baya'y sadyang umiibig
Sa kanyang salitang kaloob ng langit,
Sanglang kalayaan nasa ring masapit
Katulad ng ibong nasa himpapawid.


Pagka't ang salita'y isang kahatulan
Sa bayan, sa nayo't mga kaharian,
At ang isang tao'y katulad, kabagay
Ng alin mang likha noong kalayaan.

Ang hindi magmahal sa kanyang salita
Mahigit sa hayop at malansang isda,
Kaya ang marapat pagyamaning kusa
Na tulad sa inang tunay na nagpala.


Ang wikang Tagalog tulad din sa Latin
Sa Ingles, Kastila at salitang anghel,
Sapagka't ang Poong maalam tumingin
Ang siyang naggawad, nagbigay sa atin.


Ang salita nati'y huwad din sa iba
Na may alfabeto at sariling letra,
Na kaya nawala'y dinatnan ng sigwa
Ang lunday sa lawa noong dakong una.


Sabi ni Titser Wes

Bakit malansa ang isda?
Hindi malansa ang isda habang buhay pa sa dagat o ilog. Kapag hindi agad niluto, tuluyang nawawala ang pagkasariwa. Nagiging malansa ang isda dahil sa "bacteria" na dahilan ng pagkabulok kung hindi ilalagay sa yelo o sa "freezer".
Bakit inihambing ni Rizal sa malansang ang isda ang taong hindi marunong magmahal sa sariling wika?
Tulad ng isda na mabubuhay lamang sa tubig na tunay niyang mundo, ang taong hindi nagmamahal sa sariling wika ay nabubuhay sa isang mundong hindi kaniya at hiniram lamang. Dahil dito, siya ay parang isda na napakalansa ng amoy kapag inalis sa "freezer".

Ano ang ibig sabihin ng "pagyamaning kusa" sa pangatlong istansa?
Lahat ng tao, hayop, at halaman ay kailangang pagyamanin upang mabuhay. Sariling gatas ni nanay ang kailangan ng isang sanggol upang maging malusog. Ang mga hayop ay may kanya-kanyang uri ng pagkain. Lubos na kailangan ng mga halaman ang ulan o tubig na pandilig upang hindi malanta at mamatay.

Paano mapapagyaman ang ating sariling wika?
Gamitin nating ang sariling wika sa bawa't pagkakataon, upang masanay ang ating diwa at dila. Huwag nating haluan ng salitang banyaga kung mayroon namang katumbas sa Tagalog, Bisaya, Taosug, atbp. Lalong maganda kung ang pambansang wika ay gagamit ng mga salitang hango sa lahat ng wikang ginagamit sa buong Pilipinas, sapagka't ito ang magpapatunay na na tayo ay may "Isang puso't diwa, at may sariling wika".

PAMBATA

Aralin 2-A

Mga Kundiman ni José Rizal

Kumusta kayo, mga kids!

Mahilig kayong kumanta, di ba? Pakikinggan natin ngayon ang isang kundiman na komposisyon ni José Rizal na pimagatang "Alin Mang Lahi".
Halos nabaon na sa limot ang ating mga kundiman. Sabi ng marami, hindi raw nila "type" ang kundiman dahil masyadong malungkot, o kaya naman ay sobrang sentimental daw. Ano nga ba ang kundiman?
Halos lahat ng kundiman ay mga kanta na nagsasaad ng pag-ibig sa tinubuang lupa.
Nauso ang Kundiman noong panahon ng mga Kastila kung kailan walang kalayaan ang mga Pilipinong magpahayag ng pagmamahal sa kanilang inang bayan. Ang ginamit na simbolo sa kundiman ay ang paglalarawan ng pag-ibig ng mga binata at dalaga sa bawa't isa tulad ng matatagpuan sa mga awiting harana. Ginamit din sa paglikha ng tugtuging Kundiman ang mga estilong musikal at tema na taglay ng sinaunang mga Kumintang (warrior songs), mga Harana (courtship songs) at mga Balitaw (folk songs). Ngayon, lahat ng mga sina-unang mga kantang pag-ibig o "love songs" ng mga Pilipino ay tinatawag na ring "kundiman".

Sabi ni "Titser Wes"

Ang "Kundiman" ay isang tula na isinulat ni José Rizal sa Tagalog, nguni't ito ay hindi isinalin sa musika. Gayunpaman ang tema ay tulad rin ng lahat ng kundiman, ang matinding pag-ibig sa Inang Bayan.

Maliwanag na isinasaad sa kundimang "Alin Mang Lahi" na ang ipagtanggol ang Inang Bayan ay nasa puso at diwa ng bawa't isa.
Para kay José Rizal at sa lahat ng mga bayaning tulad nina Andres Bonifacio, Antonio Luna, Gregorio del Pilar, atbp, matamis ang magbuwis ng buhay at dugo upang makalaya ang Inang Bayan. Ito ang isinasaad ng mga salitang,

Ang kamatayan man, kung saka-sakali' t
Igiginhawa ng mga kalahi
Tatanggapin na may ngiti
Kaaliwa't tuwang hindi mumunti.

Nguni't ano ang mapait na nangyayari? Higit na mapait at masaklap ang ipagkanulo ng kapuwa kababayan, tulad ng sinasabi sa istansang ito:

Kundiman

Tunay ngayong umid yaring dila't puso
Sinta'y umiilag, tuwa'y lumalayo,
Bayan palibhasa'y lupig at sumuko
Sa kapabayaan ng nagturong puno.

Datapuwa't muling sisikat ang araw,
Pilit maliligtas ang inaping bayan,
Magbabalik mandin at muling iiral
Ang ngalang Tagalog sa sandaigdigan.

Ibubuhos namin ang dugo't babaha
Matubos nga lamang ang sa amang lupa
Habang di ninilang panahong tadhana,
Sinta'y tatahimik, iidlip ang nasa.

Importanteng karagdagang kaalaman at paliwanag mula sa pahina ni "Titser Wess":

PAMBATA

Minsan... May Isang Gamu-Gamo

Aralin 2-B

http://pambata.tripod.com/id14.html

Titser Wes: Okey, mga kids, may mga tanong ba kayo tungkol sa napanood ninyo?
Tanong:
Bakit po binaril si Rizal, anong kasalanan niya?
Titser Wes: Noong sinulat ni Rizal ang nobelang Noli me tangere at ang kasunod nitong El Filibusterismo, ginising ni Rizal ang lagablab ng pag-ibig sa kalayaan—ang paglaya mula sa Espanya. Ayon kay Tenyente Alcocer, ang taga-usig ng hukuman, si Rizal ang siyang naging "kaluluwa ng himagsikan"?
Tanong:
Kasalanan po ba ang umibig sa kalayaan?
Titser Wes: Naku, hindi! Hinding-hindi kasalanan ang umibig sa kalayaan!!! Pero noong panahon ni Rizal, anumang salita o gawa na nangangahulugan o nagpapahiwatig ng pagkalas sa Espanya ay itinuturing na isang napakabigat na krimen na ang parusa ay kamatayan o kaya'y habang-buhay na pagkabilanggo.
Tanong:
Ano po ba ang ibig sabihin ng "kaluluwa ng himagsikan"?
Titser Wes: Mahirap sagutin ang tanong mo kung hindi ko gagamitan ng paghahambing. Tingnan natin kung makuha ninyo ang kahulugan nito: Ano ang halaga ng isang katawan na walang kaluluwa, at ano ang halaga ng kaluluwa na walang tirahang katawan?
Sagot ng mga bata: Naku, wala pong halaga! Ang katawang walang kaluluwa ay patay; ang kaluluwang walang tahanang katawan ay walang maaring gawin.
Titser Wes: Tama! Tumpak na tumpak ang inyong sagot. Si Rizal, dahilan sa kanyang mga isinulat ang siyang nagsilbing kaluluwa na ang naging katawan ay ang Katipunan na itinatag ni Andres Bonifacio. Kahit na mga gulok, itak, balaraw, at sibat lamang ang kanilang hawak, hindi sila natakot lumaban sa mga sundalong sandatahan ng pamahalaang kastila!
Tanong:
Kasali po ba si Rizal sa Katipunan?
Titser Wes: Depende 'yan sa kung anong ibig sabihin ng "kasali".
Tanong:
Ibig po naming sabihin ay kung si Rizal ay kaanib ng Katipunan?
Titser Wes: Hhhhmmmm, teka . . Kung ang ibig sabihin ng "kaanib" ay nakalista ang pangalan ni Rizal bilang isang Katipunero, ang sagot ay hindi siya kaanib sa Katipunan .
Tanong:
Kung ganun po, bakit siya pinatay sa salang paghihimagsik samantalang hindi naman siya Katipunero?
Titser Wes: Natatandaan ba ninyo yung dalawang kundiman ni Rizal na pinakinggan natin kamakailan? Maaring sabihin na "kanta lang 'yon", pero kung susuriin ninyo ang damdaming isinasaad ng titik, maliwanag na hinangad na ni José Rizal mula sa pagkabata,ang kalayaan ng Inang Bayan. Ibinuhos niya ang buong talino at lahat ng kanyang kakayahan upang buhayin sa dibdib ng lahat ng Pilipino ang pag-ibig sa kalayaan at tubusin ang Inang Bayan sa pagkaka-alipin sa banyaga. Ang kahulugan ng pag-ibig sa kalayaan ay lalo pang pinatindi sa dalawang nobelang isinulat ni Rizal, ang Noli me tangere at El Filibusterismo.
Tanong:
Hindi naman po kasali si Rizal sa himagsikan dahil hindi siya humawak ng itak o baril, at hindi rin siya Katipunero, anong uri ng paghihimagsik 'yon?
Titser Wes: Hindi lamang sa paghawak ng sandata at paglaban ang paraan ng paghihimagsik ng isang tao. Para sa mga Kastila, mas mabigat ang uri ng paghihimagsik ni Rizal dahil ginising niya ang matinding pagmamahal sa Inang Bayan na noo'y alipin ng isang banyagang pamahalaan.
Tanong:
Ano po ang isinagot ni Rizal sa mabigat na paratang na 'yan?
Titser Wes: Siyempre, tinaggihan niya ng lubos!
Tanong:
Nagsinungaling po pala si Rizal noong siya ay nililitis!
Titser Wes: Bakit mo naman nasabing nagsinungaling si Rizal?
Batang Nagtatanong: Kasi po'y tinanggihan niyang may kinaalaman siya sa himagsikan, samantalang siya ang tunay na kaluluwa ng himagsikan.
Titser Wes: May katuwiran ka, pero hindi matatawag na pagsisinungaling ang pagtanggi na sabihin ang buong katotohan sa panahon ng digmaan. Bago pa nilitis si Rizal, ipinahayag ng pamahalaang kastila na namamayani na ang tinatawag sa ingles na "state of war", na ang ibig sabihin ay may kasulukuyang digmaan sa pagitan ng mga kastila at mga pilipino. Ang magiging katumbas ng pagsasabi ni Rizal ng "buong katotohanan" ay kataksilan sa kanyang Inang Bayan, ang Pilipinas; at kataksilan sa kanyang mga kababayan na ibinubuhos ang dugo makalaya lamang ang Inang Bayan.
Mga bata: Napakalaki at napakatindi po pala ng kabayanihan ni Gat José Rizal at tulad siya ng gamu-gamong hindi inalintana ang kamatayan, makamit lamang ang kalayaan!

No comments: