SA isyu ng kahirapan sa ating bansa, ang laging sinisisi ay ang gobyerno, ang mga politiko, at ang mayayaman. Kung hindi raw mali ang pamamalakad ng gobyerno, kung hindi raw kurakot ang mga politiko, at kung hindi raw sakim ang mayayaman, wala raw mahihirap.
Gobyerno, mga politiko, at mayayaman. Silá lámang lagi ang itinuturong may salà. Tama ba naman ang ganyan? Silá na lámang ba ang laging may kasalanan, at ang nakararaming mga mamamayan ay walang pagkakamali?
Gobyerno at mga Politiko
Kung gobyerno at mga politiko ang laging may kasalanan, ang mga susunod na uupo sa Malakanyang, Kongreso, Korte Suprema, lokal na pamahalaan, sangguniang pambarangay, at iba pang puwesto sa gobyerno, kahit hindi pa nakauupo sa mga puwestong iyon, ay pawang mga makasalanan na. Kung tama ang ganyang pananaw, walang katapusang paninisi ang ganyan, dahil ang bawat uupo sa iba’t ibang puwesto sa gobyerno ay lagi na lámang ang siyang may kasalanan.
Magkakaroon tayo ng halalan para sa pangulo at pangalawang pangulo sa taóng 2088. Ang mananalong pangulo at pangalawang pangulo sa halalang iyon ay hindi pa isinisilang sa ngayon (2015). Kung tama ang pananaw na gobyerno na lámang ang laging may kasalanan, aba, ang mananalong pangulo at pangalawang pangulo sa 2088, kahit hindi pa ipinanganganak sa ngayon, ay kapwa makasalanan na.
Ang Mayayaman
Kung hindi gobyerno at mga politiko ang nasisisi, ang mayayaman naman ang pinag-iinitan. Madalas pukawin ang pananaw na ito: Ang bílang ng mayayaman ay wala pa raw 1% ng kabuuang populasyon ng bansa, at silá raw ang kumukontrol sa 99% ng yaman ng bansa; samantalang ang 1% ng yaman ng bansa ay pinaghahati-hatian ng 99% ng populasyon. Talamak daw ang kahirapan, dahil mangilan-ngilan lámang ang nakikinabang sa yaman ng bansa.
Hindi rin ang mayayaman ang dapat sisihin sa kahirapan. Ang mayayaman kasi—at hindi ang gobyerno—ang siyang nagtatatag ng mga bangko, paktorya, tindahan, pamilihan, at iba pang industriya na siyang bumubuhay sa bawat bansa.
Pagdating na sa ekonomiya, hindi gobyerno ang nagtatatag ng paktorya ng panloob, ang nagtatahi ng panloob, ang nagbabálot ng panloob, at ang nagbebenta ng panloob. Hindi rin ang gobyerno ang nagtatanim ng palay, ang nagdidilig ng palay, ang nag-aani ng palay, at ang nagbebenta ng palay. Gawain ang mga ganyan ng pribadong sektor o ng mga may-salapi.
Ang gawain ng gobyerno ay ang magbalangkas ng mga patakaran at batas na siyang dapat sundin ng mga nása industriya. Halimbawa: Itatakda ng gobyerno ang batas na ang presyo ng bigas bawat kilo ay P35. Dapat namang sundin iyan ng mga nagtitinda ng bigas. At titiyakin ng gobyerno na sinusunod ang mga ipinatutupad nitong mga batas upang maitaguyod ang kaayusan ng lipunan at upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan.
Dahil sa mga industriyang itinatatag ng mayayaman, may napapasukang trabaho ang mga tao. Ang mga tao naman na may trabaho ay kumikíta. At dahil sa mga industriya at sa mga trabaho ng mga tao, may nakokolektang buwis ang gobyerno.
Kung walang mga industriya, walang mapapasukang trabaho ang mga tao. Kung walang mapapasukang trabaho, walang kikitain at magugutom ang mga tao. Kung walang mga industriya at trabaho ang mga tao, walang buwis na makokolekta ang gobyerno. Kung walang buwis na makokolekta ang gobyerno, walang itong maipagagawang mga pambayang proyekto gaya ng mga pampublikong daan, tulay, paaralan, ospital, pabahay, elektrisidad, at patubig, at wala ring maipansusuweldo sa mga pulis, sundalo, guro, empleyado sa mga tanggapan nitó, at iba pang mga lingkod-bayan.
Hindi dapat sisihin at kutyain ang mayayaman. Dapat pa ngang hikayatin na magpayaman ang maraming tao. Kung mas marami ang mayaman, mas mainam, dahil mas marami ang maitatatag na mga industriya.
Kung mas marami ang mga industriya, mas marami ang mapapasukang trabaho ng mga tao. Kung mas marami ang mga industriya at kung mas marami ang mga táong may trabaho, mas marami ang makokolektang buwis ng gobyerno. At kung mas marami ang makokolektang buwis ng gobyerno, mas marami ang magagawa nitóng mga pambayang proyekto.
Ang mga Tunay na Maysalà
Hindi gobyerno, mga politiko, at mayayaman ang laging dapat sisihin sa isyu ng kahirapan sa ating bansa. Sino-sino kung gayon ang talagang may sanhi ng kahirapan? Ang sagot: Ang mga táong nabubuhay nang lampas sa kanilang kakayahan.
Sino-sino naman itong mga táong nabubuhay nang lampas sa kanilang kakayahan, at ang dahilan ng kahirapan sa ating bayan? Sila ang mga táong palaasa sa iba, ang mga táong hindi marunong magplano ng pamilya, at ang mga babaero.
Ang mga Táong Palaasa sa Iba
Si Analyn (di-tunay niyang pangalan) ay isang tin-edyer na ang tinitirhang barangay ay mayroong paaralan sa elementarya at sekondarya, sentrong pangkalusugan, at himpilan ng pulisya. Naroroon na sa kanilang barangay ang mga pangunahing serbisyo na maibibigay sa mga tao ng gobyerno.
Nang si Analyn ay nása ikatlong taon sa hay iskul, nabuntis siya ng isang 19-na-taóng-gulang, na nang malamang nagdadalantao na siya ay bigla na lámang naglaho sa kanilang lugar. Dahil hindi pa naman tapos sa pag-aaral, wala pang alam na trabaho, at sa gayo’y wala pang kinikíta, nanatili si Analyn sa tahanan ng kanyang mga magulang, na hindi rin naman sapat ang kinikíta.
Ang inaasahan ni Analyn na tutugon sa mga pangangailangan ng ipinagbubuntis niya ay ang kanyang mga magulang. Noong hindi pa siya nabubuntis, hindi inisip ni Analyn kung saan siya kukuha ng pambili ng gatas, pampaospital, pambili ng mga damit, pampadental, pag-aaral, at iba pang mga gugugulin ng kanyang magiging anak. Basta, nagpabuntis siya.
Ang mga táong katulad ni Analyn ay mga tao na palaasa sa iba. Iniaasa nila sa kani-kanilang mga magulang o iba pang tao ang lahat-lahat ng mga pangangailangan nila at ng kani-kanilang magiging pamilya. Sa halip na tumayo sa sariling mga paa, ang iniisip nila ay bibitbitin silá ng kani-kanilang mga magulang.
Wala namang problema sa ganito, kung may sapat na salapi at kakayahan ang mga magulang na itaguyod silá. Pero papaano na kung kakarampot din lámang naman ang kinikíta ng mga magulang?
Ang mga táong palaasa sa iba ay nabubuhay nang lampas sa kanilang kakayahan. Ang kinauuwian sa ganyang gawa nila ay ang talamak na gútom at karukhaan ng mga ginagawa nilang anak. Sa ganitong gawa nila, sino ang may kasalanan? Ang gobyerno, ang mga politiko, at ang mayayaman? At siláng mga táong palaasa ay walang pagkakamali?
Ang mga Hindi Marunong Magplano ng Pamilya
Si Efren (di-rin-tunay niyang pangalan) ay tagapagluto sa isang restoran. Kumikita ang restoran na iyon ng P10,000 bawat araw. Mula sa kita na iyon ay kinukuha ng may-ari ng restoran ang pambili sa mga inilulutong pagkain; pambayad sa koryente, tubig, telepono, at gas; pansuweldo sa mga tagapagluto at iba pang kawani; at buwis na ibabayad sa gobyerno. Ang káyang ipasuweldo ng may-ari ng restoran kay Efren ay P400 lámang bawat araw.
Mula naman sa P400 na iyon ay kinukuha ni Efren ang mga kailangan niya at ng kanyang pamilya, gaya ng pagkain; bayad sa bahay, koryente, at tubig; damit; at pag-aaral ng mga anak. Kung tutuusin, para lámang sa isang tao ang P400 na ito.
Ngunit pito ang anak ni Efren, at hindi káyang tugunan ng P400 ang lahat ng mga kailangan nila. Katákot-tákot na tipid at panggigipit sa sarili, asawa, at mga anak ang ginagawa ni Efren. Ang kinalalabasan ay hindi sapat ang kanilang pagkain at iba pang mga kailangan, gutóm ang mga anak kung pumapasok sa paaralan, at hindi mapag-aaral ni Efren sa kolehiyo ang kanyang mga anak.
Marami ang mga táong katulad ni Efren, na bagama’t mayroon ngang trabaho at kinikíta, subalit anak nang anak kahit wala naman silang sapat na kakayahan upang itaguyod ang maraming anak. Hindi sila marunong magplano ng pamilya.
Hindi iniisip ng mga táong hindi marunong magplano ng pamilya kung may pantustos ba silá para sa panganganak at iba pang pangangailangan sa gamutan. Ang batà ay likas na sakitin; kayâ’t dadalhin talaga ito sa ospital habang lumalaki. Pero hindi iniisip ng mga táong hindi marunong magplano ng pamilya kung may salapi ba silá para sa pagpapagamot ng kanilang magiging mga anak, para sa mga sakuna, at para sa iba pang dagliang pangangailangan.
Hindi rin iniisip ng mga táong hindi marunong magplano ng pamilya kung may pantustos ba silá para sa titirhan, pagkain, bitamina, damit, sapatos, pampadental, pag-aaral, at iba pang gugugulin ng kanilang magiging mga anak.
Ang mga táong hindi marunong magplano ng pamilya ay nabubuhay nang lampas sa kanilang kakayahan. Ang kinauuwian sa ganyang gawa nila ay ang talamak na gútom at karukhaan ng mga ginagawa nilang anak. Sa ganitong gawa nila, sino ang may kasalanan? Ang gobyerno, ang mga politiko, at ang mayayaman? At siláng mga táong hindi marunong magplano ng pamilya ay walang pagkakamali?
Ang mga Babaero
Pambihira ang mga laláking babaero. Bukod sa kanilang asawa, naghahanap pa silá ng ibang babae. Para sa kanila, kung mayroon siláng dalawa o higit pang asawa, mas maganda. Gustong-gusto nilang ipaalam sa buong mundo na silá ay babaero. At nalulugod silá kung laganap ang tsismis na silá raw ay mga babaero—o mga laláking matutulis, dahil mahihilig daw sa mga babae.
Wala namang masamâ kung gustong patunayan ng mga babaero na mahihilig silá sa mga babae. Sarili nilang kaligayahan iyon, at hindi dapat panghimasukan ng iba.
Ang masamâ sa gawa nilang iyan ay ang bawat babae na inaasawa nila, binibigyan nila ng maraming anak. Apat-apat o lima-limang anak sa bawat babae nila, gayong wala naman siláng sapat na pera para sa pagkain, gamot, damit, pampadental, pag-aaral, at iba pang kailangan upang mabuhay nang maayos ang mga ginagawa nilang tao.
Mabuti sana kung mapepera ang mga babaero, pero ang karamihan sa kanila ay wala namang sapat na kakayahan upang itaguyod ang maraming asawa at maraming anak. Ang ilan nga sa kanila ay walang mga trabaho at kinikíta.
Ang mga babaero ay nabubuhay nang lampas sa kanilang kakayahan. Ang kinauuwian sa ganyang gawa nila ay ang talamak na gútom at karukhaan ng mga ginagawa nilang anak. Sa ganitong gawa nila, sino ang may kasalanan? Ang gobyerno, ang mga politiko, at ang mayayaman? At siláng mga babaero ay walang pagkakamali?
Ang mga Lunas
Ang paglutas sa kahirapan sa ating bansa ay nagsisimula sa bawat isa sa atin. Hindi tama iyong gagawa ng problema ang isang tao, at kapag naririyan na ang problema ay maninisi na ng iba, na ang lagi nang sinisisi ay ang gobyerno, mga politiko, at mayayaman. Ano-ano ba ang mga paraan upang malutas ang matagal nang suliranin ng kahirapan?
Una, ang bawat tao ay dapat mag-aral hanggang sa makatapos ng isang kurso, ito man ay agrikultural, propesyonal, bokasyonal, teknikal, o iba pa. Ang mga natutuhang karunungan (knowledge), kaalaman (know-how), at kakayahan (skills) mula sa tinapos na kurso ang siyang magiging batayan ng papasukang trabaho.
Ikalawa, ang isang tao ay huwag munang mag-asawa kung wala pa siyang matibay na trabaho at kinikíta. Sa trabaho at kinikíta magmumula ang ipantutustos sa mga pangangailangan ng asawa’t mga anak. Kung wala pang trabaho at kinikíta, pero nag-aasawa’t nag-aanak na, ang kalalabasan ng ganyan ay gútom. Simpleng lohika lámang ang kailangan dito. Hindi natin kailangang maging mga henyo upang maunawaan ito.
Ikatlo, ang bílang ng magiging mga anak ay dapat ibatay sa kinikíta. Kung ang kinikíta ay sapat sa lima, anim, pito, o higit pang anak, at gustong gumawa ng lima, anim, pito, o higit pang anak, aba’y di gumawa ng lima, anim, pito, o higit pang anak. Pero kung ang kinikíta ay sapat lámang sa isa o dalawang anak, pero walo ang ginawang anak, mauuwi iyan sa kasalatan sa pagkain, damit, pag-aaral, pampaospital, pampadental, at iba pang mga pangangailangan.
Ikaapat, kung ang isang tao ay hindi makapag-aral o wala pang trabaho at kinikíta, huwag niyang gawing lunas sa ganyang problema ang pag-aasawa at pagpapamilya. Walang magulang na papayag na ang kanyang anak ay basta na lámang mag-aasawa at gagawa ng mga anak kahit wala pang natatapos na pag-aaral, wala pang trabaho, at wala pang kíta.
Ikalima, ang bawat isa sa atin ay dapat matutong makapagsarili o maging independent. Mali iyong wala pang trabaho at wala pang kinikíta, pero ang lakas na ng loob na mag-asawa at gumawa ng mga anak, at sakâ dadalhin sa mga magulang ang asawa’t mga anak, at ang mga magulang ang aasahang magpapakain at aaruga sa kanya at sa kanyang asawa’t mga anak.
Bago mag-asawa ang isang tao, mayroon na dapat siyang trabaho at kinikíta. Kahit makipisan pa siya at ang kanyang pamilya sa kanyang mga magulang, may sarili na siyang pantustos sa mga pangangailangan ng sarili niyang pamilya. Kung iaasa lámang niya ang mga pangangailangan ng sarili niyang pamilya sa kanyang mga magulang (na kapos din naman), ang kauuwian din sa ganyan ay gútom.
At ikaanim, kontrahin na natin ang mga babaero. Ang Kongreso ay dapat ay gumawa ng batas upang masupil ang ginagawa ng mga ganyang uri ng laláki. Apat-apat o lima-lima ang kanilang asawa, at pito-pito ang anak sa bawat asawa kahit wala naman siláng trabaho, o kung may trabaho man ay hindi naman sapat ang kinikíta upang itaguyod ang maraming asawa at mga anak. Marami pa sa kanila ang tinatakasan ang kani-kanilang mga responsibilidad bílang asawa at ama matapos mambabae at gumawa ng maraming anak. Dapat ay ipakulong ang ganyang mga laláki upang mabawasan ang mga ipanganganak na salat sa pagkain, damit, pampadental, pampaospital, pampaaral at iba pang pangangailangan.
Nagsisimula sa bawat isa ang kaunlaran. At hindi natin makakamit ang kaunlarang iyon kung táyo ay mamumuhay nang lampas sa ating kakayahan, kung papasukin natin ang isang bagay na hindi naman natin kayang panindigan, at kung sisisihin na lámang lagi natin ang gobyerno, mga politiko, at mayayaman sa kahirapan ng búhay na táyo rin naman ang siyang may kagagawan.
No comments:
Post a Comment