Featured Post

MABUHAY PRRD!

Tuesday, January 6, 2015

Mas Malala ang mga Krimen at Korupsiyon sa Ibang Bansa; Kayâ, Makatwiran bang Táyong mga Pilipino pa ang Dapat Mahiya sa Ibang Bansa?

       January 5, 2015  

(Photo Credit:  www.quazoo.com)

(Photo Credit: www.quazoo.com)
ANG ating daigdig ay hitik sa kasamaan. Kaliwa’t kanan ang mga nagaganap na krimen, korupsiyon, panlilinlang, at iba pang uri ng panlalamang ng tao sa kanyang kapwa. Kung táyo lámang ay magbabasá, magmamasid, at magsasaliksik nang malaliman, at magbubukas ng mga isipan, agad nating mapapansin na mas malala ang mga krimen, korupsiyon, at kawalang-katarungan na nangyayari sa ibang bansa.
Subalit sa kabila ng nagbabagang katotohanang iyan, marami pa rin sa ating mga kababayang Pilipino ang halos ikamatay na sa kahihiyan ang pagiging Pilipino nila tuwing may nagaganap na mga krimen, korupsiyon, at iba pang hindi magandang balita sa ating bansa. Hiyang-hiya silá sa ibang lahi at bansa. Hiyang-hiya silá sa buong mundo.
Makatwiran ba ang ganyang pagkahiya nila? Makatwiran bang mahiya silá sa ibang lahi at bansa, na kung tutuusin ay nagkakamali rin naman o kayâ ay masahol pa sa ating mga Pilipino ang mga pagkakamali? Hindi ba nila káyang isipin na walang lahi at bansa na perpekto? Na bawat lahi at bansa ay nagkakamali at may kanya-kanyang baho, kahihiyan, kahinaan, at pagkukulang?
Ang mga Krimen sa Amerika
Si Elma, isang kababayan natin, ay nagkumahog na makalayas ng Pilipinas, dahil hindi na raw niya masikmura ang mga holdapan, nakawan, patayan, at iba pang uri ng krimen sa ating bansa. Lumipat na siya sa ibang pook, na sa tinging niya’y walang mga krimen.
Nang dumating siya sa nilipatang pook, ang Estados Unidos ng Amerika, halos itago niya kung saang bansa siya nagmula, dahil para sa kanya, ang nilipatang bansa ay walang mga krimen, walang baho, at walang mga pagkakamali, at dahil ganoon nga, ikinahihiya niya ang kanyang pagiging Pilipino at ang Pilipinas sa mga Amerikano.
Talaga bang walang mga nangyayaring krimen sa Amerika, at dahil wala nga raw mga krimen doon, táyong mga Pilipino ay dapat nang mangahiya sa mga Amerikano?
Ayon mismo sa Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Estados Unidos, may naitalâng 1,163,146 na bayolente o madudugong krimen at 8,632,512 krimen sa ari-arian sa Amerika noong 2013 (http://www.fbi.gov/news/stories/2014/november/crime-statistics-for-2013-released/crime-statistics-for-2013-released).
Sa táong iyon, nakapagsagawa ang mga awtoridad ng 11,302,102 na pag-aresto, kabílang na ang may mga kinalaman sa paggamit ng bawal na gamot (tinatáyang umabot sa 1,501,043), pangungupit-pagnanakaw (1,231,580), pagmamaneho hábang nása impluwensiya ng alak (1,166,824), krimen laban sa ari-arian (1,559,284), at bayolenteng krimen (480,360).
Sa taon ding iyon, may naganap na 14,196 na pamamaslang o pagpatay at 79,770 na panggagahasa. Ang mga pangungupit-pagnanakaw ang may pinakamalaking bahagi ng mga krimen sa ari-arian—69.6%. Tinatáyang 699,594 na sasakyan ang iniulat na ninakaw, at 73.9% sa mga iyon ay mga kotse. Umabot naman sa US$4.5 bilyon ang halaga ng mga nawala sa mga panloloob (burglaries), at 74% ng mga panloloob ay naganap sa mga tahanan.
Ginamit ang baril sa 69% ng mga pamamaslang, 40% sa mga pagnanakaw, at 21.6% sa mga malalang pananalakay at pananakit (aggravated assaults).
Noong 2003 naman, may nadakip na 657,414 na shoplifter o magnanakaw sa mga tindahan sa buong Amerika (17th Annual Retail Theft Survey, isinagawa noong 2004 ng Jack L. Hayes International). Sa mga shoplifter na iyon, 64% ay mga puti (Crime in the United States, 2003).
Marami sa mga mamamatáy-tao sa Amerika ang napapatawan ng parusang kamatayan. Hanggang noong taóng 2005, ang pamahalaan ng Estados Unidos ay may binitay nang 1,002 naparusahang bilanggo mula nang ibalik nito ang parusang kamatayan noong 1976. Sa mga binitay na iyon, 578 ay mga puti, 338 ay mga itim, 63 ay mga Hispaniko, at 23 ay kabílang sa iba’t ibang lahi (AFP, Dis. 18, 2005).
Mali pala ang pagkakaalam tungkol sa Amerika ng mga katulad ni Elma. Ang akala nila ay dahil langit na ang Amerika at perpekto na ang mga Amerikano, dapat nang ikahiya nating mga Pilipino ang ating pagiging Pilipino at ang Pilipinas sa mga Amerikano.
Hindi naman sa sinisiraan sa artikulong ito ang Amerika. Ang karamihan sa mga estadistikang binabanggit sa artikulo na ito ay buhat mismo sa pamahalaan ng Amerika at sa mga ahensiyang pambalitaan na nakabase sa Amerika. Itinutuwid lámang ng artikulong ito ang mga maling paniniwala ng mga mahilig ikahiya ang kanilang pagiging Pilipino sa pamamagitan ng pagbanggit ng mga estadistika.
Ang mga Krimen sa Iba pang Bansa
Noong 2009, kumalat sa Internet ang isang listahan ng sampung bansa na may pinakamaraming naitalâ na krimen. Ang mga bansang iyon at ang mga naitalâ nilang krimen ay:
1. Estados Unidos—11,877,218 naitalâng krimen
2. Rieno Unido (UK)—6,523,706 naitalâng krimen
3. Alemanya—6,507,394 naitalâng krimen
4. Pransiya—3,771,850 naitalâng krimen
5. Rusya—2,952,370 naitalâng krimen
6. Hapón—2,853,739 naitalâng krimen
7. Timog Afrika—2,683,849 naitalâng krimen
8. Canada—2,516,918 naitalâng krimen
9. Italya—2,231,550 naitalâng krimen
10. India—1,764,630 naitalâng krimen
Ang naitalâng krimen sa Pilipinas noong 2009 din ay umabot sa 101,798 (http://www.abs-cbnnews.com/nation/01/01/10/crime-rate-63-percent-2009-pnp).
Ang sabi naman ng mga mahilig ikahiya ang kanilang pagiging Pilipino, wala raw ang Pilipinas sa listahang iyon, dahil ang karamihan daw sa mga krimen sa Pilipinas ay hindi naiuulat, samantalang sa ibang bansa, lalo na raw sa Amerika, laging naiuulat ang lahat o ang karamihan sa mga nangyayaring krimen doon. Kung naiuulat daw ang lahat ng mga krimen sa Pilipinas, ang Pilipinas na raw ang numero uno sa buong mundo pagdating sa paramihan ng mga krimen.
Kapani-paniwala bang hindi naiuulat ang karamihan ng mga krimen sa Pilipinas? Kahit may nakabulagta nang pinatay na tao sa harapan ng bahay mo, hindi pa rin maiuulat sa mga awtoridad ang krimeng iyon? At totoo bang sa Amerika ay naiuulat ang lahat o ang karamihan sa mga krimen?
Ayon sa Department of Justice (DOJ) ng Amerika, mula 2006 hanggang 2010, umabot sa 52% ng mga bayolenteng krimen (may average na 3,382,200 bawat taon) ang hindi iniulat sa mga awtoridad. Mahigit sa kalahati ng mga nangyayaring krimen sa Amerika ay hindi iniuulat ng mga biktima sa mga awtoridad, dahil hindi raw nakatutulong ang mga awtoridad sa mga biktima (“Victimizations Not Reported to the Police, 2006-2010,” National Crime Victimization Survey, Special Report, August 2012, U.S. Department of Justice, Office of Justice Programs, Bureau of Justice Statistics).
Ang mga Masaker
May isang netizen ang nagtititili na dahil daw sa nangyaring Masaker sa Maguindanao noong ika-23 ng Nobyembre 2009, na may pinatay na 43 peryodista, nakakahiya na raw táyong mga Pilipino sa ibang bansa.
Masaklap na pangyayari ang masaker na iyon sa Maguindanao, dahil ang bawat búhay ng tao ay mahalaga. Naganap ang masaker na iyon, dahil ang tao ay mapanlamang nga sa kanyang kapwa. Nagpapatunay iyon na táyong mga Pilipino ay katulad din ng ibang lahi at bansa—nagkakamali at hindi perpekto. Ang ugaling panlalamang sa kapwa ang siyang nag-uudyok sa ibang bansa na gumawa ng gaya ng mga sumusunod na malawakang krimen:
Estados Unidos—pinatay ang mahigit 200,000 Pilipino nang lusubin ang Pilipinas noong 1899-1903, at mahigit isang milyong Biyetnames nang lusubin ang Biyetnam noong 1965-75.
Unyong Sobyet—ipinapatay ni Josef Stalin ang mahigit anim na milyong kababayan niya noong 1932-39.
Alemanya—ipinapatay ni Hitler ang mahigit ding anim na milyong Hudyo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig (1939-45).
Tsina—ipinapatay ni Mao Tse-tung ang 78 milyong kapwa niya Tsino noong 1958-70.
Cambodia—ipinapatay ni Pol Pot ang 1.7 milyong kababayan niya noong 1975-79 (http://en.wikipedia.org/wiki/Genocides_in_history).
Kung may nangyayaring masaker sa ating bansa, ang pinakamagandang magagawa natin ay ang dakpin, sampahan ng kaso, litisin, at gawaran ng nauukol na parusa ang mga gumawa ng masaker. Pero hindi naman tama na dapat mamatay na lámang lagi táyo sa kahihiyan sa ibang bansa. Kanino táyo mahihiya? Sa mga lahi at bansa na masahol pa sa atin?
Korupsiyon sa Estados Unidos
Noong dekada 1980, ang mga space shuttle o iyong mga sasakyan na nagdadala ng mga astronaut sa kalawakan ay natuklasan na nagtataglay ng mga substandard o mahinang uri ng materyales, dahil ang pera na pambili dapat ng mga de-kalibreng materyales ay kinurakot.
Kung may korupsiyon sa mga sopistikadong proyekto ng gobyerno ng Amerika gaya ng space shuttle, malakas ang posibilidad na may korupsiyon din sa mga di-kasingsopistikadong proyekto, gaya ng mga pampublikong daan, tulay, paaralan, ospital, gusali, at iba pa.
Talamak din ang korupsiyon sa pagkubra ng insurancemortgage, at bayad sa pagpapagamot, at sa mga bangko, korporasyon, at iba pang institusyon sa pananalapi (http://www.fbi.gov/stats-services/publications/financial-crimes-report-2010-2011).
Ayon mismo sa FBI at Association of Certified Fraud Examiners, taon-taon, umaabot sa US$300 bilyon hanggang US$660 bilyon ang halaga ng mga krimeng puting-kolyar sa Amerika (http://en.wikipedia.org/wiki/White-collar_crime).
Ang halaga ng korupsiyon sa Amerika—sa mga krimeng puting-kolyar pa lámang—ay tatlong beses ang laki sa taunang halaga ng pambansang ekonomiya ng Pilipinas (US210 bilyon). Kahit nakawin pa ang lahat ng pera dito sa Pilipinas, maliit pa rin ang korupsiyon dito kung ihahambing sa korupsiyon sa Amerika.
Talamak din ang korupsiyon sa Amerika, at masahol pa nga. Kayâ, makatwiran bang táyong mga Pilipino pa ang mahihiya sa mga Amerikano tuwing may iskandalo ng korupsiyon sa ating bansa?
Korupsiyon sa Hapón
Noong 1974, napilitang magbitiw bílang punòng ministro ng Hapón si Kakuei Tanaka, dahil nabuking na siya ay tumanggap ng US$12.6 milyon mula sa ilang korporasyong Amerikano bílang suhol upang paboran ng gobyerno ng Hapón ang mga naturang korporasyon sa kontrata ng eroplano.
Noon namang 1989, napilitan ding magbitiw bílang punòng ministro si Noburu Takeshita, dahil sa Iskandalong Recruits o ang sabwatan ng pagmamanimula ng mga halaga ng shares sa stock market.
Pinakamalala ang korupsiyon sa Hapón sa larangan ng konstruksiyon. Malaking salapi kasi ang naibubuhos sa paggawa ng mga pambayang daan, tulay, paaralan, ospital, at tanggapan.
Taon-taon, lagi nang may mga balita ng mga opisyal at kawani ng gobyernong Hapón na nasasangkot sa mga iskandalong korupsiyon.
Talamak din ang korupsiyon sa Hapón. At masahol pa nga minsan. Kayâ, makatwiran bang táyong mga Pilipino pa ang mahihiya sa mga Hapones tuwing may iskandalo ng korupsiyon sa ating bansa?
.
Korupsiyon ng mga Koreano
Noong Mayo 2000, napilitang magbitiw bilang punòng ministro si Park Tae-joon, dahil napatunayan sa hukuman na iniwasan niyang magbayad ng buwis. Pinagbayad siya ng hukuman ng buwis na nagkakahalaga ng US$1.2 milyon (AFP, Mayo 20, 2000).
Noong Abril-Hunyo 2001, inaresto ng pamahalaan ng Korea ang 251 opisyal ng mga bangko at mga negosyante, dahil sa korupsiyon at panunuhol, na ikinalugi ng gobyerno ng halagang US$1.5 bilyon. Ang isa sa mga inaresto ay isang dating pangalawang ministro ng tanggulang pambansa, na tumanggap ng mga suhol upang paboran ang ilang kontrata (AFP, Hun. 30, 2001).
Noong Nobyembre 2001, napag-alaman ng gobyerno ng Korea na may 87 bangko at iba pang institusyong pananalapi na ilegal na tumanggap ng salapi ng bayan na nagkakahalaga ng US$5.64 bilyon (Reuters, Dis. 1, 2001).
Noong 2005, pinatawan ng DoJ ng Estados Unidos ang mga Koreanong korporasyon na Samsung at Samsung Semiconductor Ltd. ng multang US$300 milyon, dahil nakipagsabwatan ang mga ito sa mga karibal sa industriya na dayain ang halaga ng kanilang mga produkto at linlangin ang mga mamimili. Nauna nang pinagbayad ang isa pang Koreanong korporasyon, ang Hynix, ng multang US$185 milyon, dahil sa katulad na krimen (AP, Dis. 16, 2005).
Talamak din ang korupsiyon sa Korea. At masahol pa nga minsan. Kayâ, makatwiran bang táyong mga Pilipino pa ang mahihiya sa mga Koreano tuwing may iskandalo ng korupsiyon sa ating bansa?
Korupsiyon ng mga Europeo
Noong 1999, ipinataw ng gobyerno ng Amerika ang pinakamalaking multa laban sa anti-trust na krimen. Nagkakahalaga iyon ng US$500 milyon, at ipinataw iyon sa Hoffmann-La Roche Ltd., ang dambuhalang Swisang korporasyong parmasyutika, dahil sa panlilinlang ng halaga ng mga bitamina (ibid.).
Noong 2005, pinatawan din ng gobyerno ng Amerika ng multang US$160 milyon ang Infineon Technologies AG ng Alemanya, dahil din sa panlilinlang ng halaga ng mga produkto at pandaraya sa mga mamimili (ibid.).
Sa Swisa, umaabot sa SFr8 bilyon (US$6.3 bilyon) ang halaga ng mga krimeng puting-kolyar. Ayon sa Federal Police Office, ang mga krimeng ito ay nagkakahalaga ng aabot sa 4% ng gross domestic product ng bansa (“White collar crime widespread in Switzerland,” swissinfo, Ago. 10, 2005).
Sa Britanya, sa bawat taon, nagkakahalaga ang panlilinlang at pamemeke ng £14 bilyon at ang panloloob ng £2.7 bilyon.
Sa isang survey sa Britanya noong 2003, mahigit 60% ng mga tao sa Inglatera at Gales ang umamin na nandaya sila sa pagkuha ng insuranceat pagbabayad ng buwis. Sa mga sinurvey, 34% ang nagbayad ng salapi upang makaiwas sa buwis, 32% ang hindi nagsauli ng sobrang sukli, 18% ang nangupit ng mga bagay sa pinagtatrabahuan, 11% ang hindi nagbayad sa lisensiya sa telebisyon, at 11% ang gumamit ng maling ID. Ang mga pandaraya na ito ang mga nangungunang krimeng puting-kolyar sa Inglatera at Gales (“White collar crime sweeps Britain,” BBC News, bbc.co.uk, Set. 12, 2003).
Noong mga huling taon ng dekada 1990, umaabot sa US$70 bilyon ang halaga ng money laundering sa Rusya (“Money laundering,” Wikipedia, the free encyclopedia.mht).
Talamak din ang korupsiyon ng mga Europeo. At masahol pa nga minsan. Kahit pa doon sa mga bansa na itinuturing na pagkalilinis. Kayâ, makatwiran bang táyong mga Pilipino pa ang mahihiya sa mga Europeo tuwing may iskandalo ng korupsiyon sa ating bansa?
Ang Wastong Katwiran
Hindi mailalagay sa artikulong ito ang mga krimen at korupsiyon sa bawat bansa, dahil walang katapusan kung gagawin iyan. Subalit sapat nang patunay ang mga nabanggit dito na insidente ng krimen at korupsiyon na nangyayari rin ang mga krimen at korupsiyon sa ibang bansa, at mas malala pa nga. Kayâ, hindi talagang makatwiran na táyong mga Pilipino pa ang mahihiya sa ibang bansa.
Ang magiging katwiran naman ng mga mahilig ikahiya ang kanilang pagiging Pilipino ay ganito:
“Porke may mga krimen at korupsiyon sa ibang bansa, sige, huwag na táyong mangahiya. Mangagpatayan at mangagsipagnakaw na rin tayong mga Pilipino. Hayaan na natin ang mga krimen at korupsiyon. Tutal may mga ganyan naman sa ibang bansa e. Magkapal-moks na táyong lahat.”
Hindi katwiran iyan ng isang táong may katinuan pa. Ang wastong katwiran ay: Ang gawin nating mga Pilipino kung may mga nangyayaring krimen at korupsiyon sa ating bansa ay imbestigahan ang dapat imbestigahan, parusahan ang dapat parusahan, ikulong ang dapat ikulong, at itama ang dapat itama, sa halip na mahiya nang mahiya sa ibang bansa.
Kung mahihiya táyo nang mahihiya sa ibang bansa, ginagawa nating tanga ang ating mga sarili. Ang ibang bansa kasi, hindi man lang mahiya sa ating mga Pilipino kahit pa masahol ang mga krimen at korupsiyon sa kani-kanilang bansa. Tapos táyo naman, hiya nang hiya sa kanila.
Ngayon, kung talagang ayaw papigil ng iba riyan na mahiya sa ibang bansa, wala nang magagawa pa para sa kanila. Pansariling kaligayahan nila iyon e. Ikinalulugod nila iyon e.

No comments: