I would like to apologize in advance to our non-Tagalog readers for this latest article. Unfortunately, the matter to be discussed here is very sensitive and I want to be as clear as possible to my countrymen who may want to read this. Secondly, this matter is very personal and, if at all possible, I want to be very intimate with my target audience as they really need to think about this. I hope you understand.
Kamakailan lamang, ako ay napaaway ako sa aking MMORPG gaming community. Lubusang sumama ang loob ko sa pangyayari at muntik na rin umalis sa aming grupo kung hindi lang ako pinaki-usapan ng aming mga guild admins. Nasaktan talaga ako sa mga salitang narinig ko at hanggang ngayon medyo torete pa rin ako sa kung ano ba ang dapat ko na ngayong isipin.
Sa totoo lang, balak ko muna sanang magpahinga sa pagsusulat ng mga artikulo dito sa GRP at namnamin ang aking Pasko. Ngunit sa kasawiang palad, mukhang kailangan ko na namang maglabas ng sama ng loob sa website na ito. Hay, mukha ngang may mga katotohanan na ayaw nating tanggapin kaya masluma-lala ang sitwasyon natin bilang isang bansa.
Heto muna ang gulo na nangyari sa aming gaming community na aking isinalin sa Tagalog:
Katatapos lang naming manalo ng isang “castle siege” nang mangyari ang insidente. Ito yung sinusugod niyo ang kastilyo ng mga kalaban para makuha ang bandila nila, parang yung mga bakbakan din na nagaganap noong Panahong Medyibal, yung panahon na may mga kabalyero o knight na patakbo-takbo kung saan-saan, mga mamamana na nagpapaulan ng mga pana sa mga nasabing kabalyero at mga walang kamuwang-muwang na mga kawal na hindi lubos alam ang dapat gawin. Kung naalala niyo pa, nasabi ko na na multi o international ang guild namin at apat lang kaming mga Pilipino ang naglalaro sa ngayon at nagkataon na nag-iisa lang akong Pilipino sa grupo nang mangyari ang insidente.
Amerikana #1: Yay! Nanalo tayo! Sa wakas, malapit na tayong magkaroon ng sarili nating kastilyo!
Amerikano #1: Tama ka! Pero salamat iyan sa ating teamwork! Kung hindi tayo nagtulong-tulong ay malamang talo na naman tayo!
Amerikana #2: Oo nga, mabuti na lang at may mga magagaling tayong mga “healer” kaya hindi tayo gaanong namatay sa laban na ito! Buti na lang sinama natin si Grimwald para may pang-apat na healer tayo!
Ako: Kayo naman. Siyempre gusto ko rin namang makatulong sa guild natin. Kaya nga ako sumali dito.
Australian: Pero ang galing din ng naiisip natin. Dahil hini-heal ni Grimwald ang mga tatlo nating dedicated healers, nagawa nating tumagal sa mga kalaban kahit mas-marami sila sa atin. Okay ka palang healer Grimwald.
Grimwald: Siyempre, nurse yata ‘to sa tunay na buhay.
Gagong Briton: Meron din naman palang puwedeng ipagmalaki ang mga Pilipino maliban sa mga pokpok niyo.
Amerikano #2: Ano?
Russian: Hmm?
Meksikano: Ano kamo?
Ako: Pare. Hindi ko alam kung ano ang problema mo pero sana huwag ka namang magsalita ng ganyan. Hindi ako madaling magalit pero sana naman walang ganyang bastusan.
Gagong Briton: At bakit? Ano pa bang puwedeng ipagmalaki ng Pilipinas kundi ang mga pokpok nito. Alam mo bang nagkakandarapat ang mga iba’t-ibang lahi sa Europa at iba pa para makapag-asawa ng mga Pilipina at mukhang handang-handa naman ang mga kababaihan ninyo na tanggapin at pagbigyan sila. Ano pa ba ang ibang puwedeng itawag sa kanila, ha?
Nanahimik ang chat room ng halos tatlong segundo.
Ako: Pare tanggap ko naman na hindi talaga ganoon kayaman at kaunlad ang bansa ko. Pero sana naman piliin mo nang maayos ang mga salitang gagamitin mo. Konting respeto naman sana para sa mga kababaihan.
Amerikana #2: Oo nga, grabe ka naman makapag-bitiw ng salita. Sino ka ba para tawagin silang mga “pokpok”, ha? Nakarating ka na ba sa Pilipinas at anlakas nang loob mong tawaging “pokpok” ang mga kababaihan nila?
Intsik: Oo nga, anyabang mo naman…
Gagong Briton: Oo, nakarating na ako sa Pilipinas at maraming mga babaeng nakilala ko doon ay handang makipag-talik sa kahit sinong maputi na handang magbayad sa kanila ng malaking halaga.
Briton (Scottish): May pagka-gago ka rin ano? Halos lahat naman yata ng bansa e may mga pokpok. Huwag kang magmalinis dahil kahit dito sa UK ay merong mga pokpok. Mukhang nasobrahan ka yata sa pagdo-doggie mo kung sino ka mang hayop ka at nagulo na ng STD yang utak mo.
Gagong Briton: Hay naku! May pokpok man dito sa UK ay panigurado namang masmarami sa Pilipinas. Halos lahat ng babaeng nakita ko doon ay gustong magpagamit sa akin. Handa nilang ibenta sa kahit kaninong dayuhan ang kaluluwa nila basta malaki ang halaga.
Babaeng German: Tumigil ka na nga! Nakakabastos ka na e!
Intsik: Hindi ko alam kung paano mo nasasabi iyang mga ganyang bagay. Napakabastos mo naman palang tao. Wala ka ba talagang respeto para sa kapwa mo?
Russian: Oo nga, napakagago mo namang tao para magsalita ng ganyan. Akala ko noon gago na ako, iyon pala meron pang mas-malala.
Gagong Briton: At bakit naman ako titigil. At para sa kaalaman ninyo, totoo ang lahat ng sinasabi ko. Ang pinakamalaking industriya ng Pilipinas ay ang prostitusyon at gusto nila kadalasan ang mga customer na dayuhan. Sa buong mundo yata ang Pilipinas lang ang tumatawag ng “success story” sa pagaasawa ng mga kababaihan nito sa mga dayuhan. Ano pa bang ibang puwedeng itawag sa kanila kundi mga “pokpok”?
Ako: Puwede ba tumigil ka na. Kung nagpapatawa ka, hindi ka na nakakatawa.
Intsik: Oo nga, tama si Grimwald. Tumigil ka nang loko ka. Nag-asawa lang ng dayuhan, “pokpok” na kaagad?
Briton (Scottish): Pambihira ka naman pala mag-isip. Para sa kaalaman mo, nag-asawa ang isa sa mga kapatid ko nang Koreano, ibig ba sabihin nito ay “pokpok” na siya? Tarantado ka talaga!
Gagong Briton: Hindi ko alam. Pero tignan niyo, pati yung Ms. Universe nila e produkto ng isang pokpok na nag-asawa ng German. Pinagmamalaki pa kamo nila iyan. Pinagmamalaki ng mga Pilipina na mga pokpok silang nag-asawa ng dayuhan.
Umalis ako sa chat room at lumipat sa isang private channel. Habang nire-report ko ang pangyayari sa mga admin at pinag-iisipang umalis, tuloy ang away sa chat.
Amerikano #2: Kung sino ka man, manahimik ka na! Umalis tuloy yung tao dahil sa ‘yo.
Gagong Briton: Totoo naman kasi ang lahat ng sinabi ko. Magaling lang talaga ang mga Pilipino sa kapokpokan. Tignan mo nga, pinagmamalaki lagi nila ang mga pokpok nila sa mga beauty pageant.
Amerikano #1: Papaano naman naging kapokpokan ang mga beauty pageant?
Gagong Briton: At bakit? Hindi ba’t matatawag mo rin namang pokpok ang babaeng ang tanging katangian lang niya na kaya niyang ibenta ay ang kagandahan niya?
Meksikano: Hayop ka! Alam mo bang kasama ang ate ko sa isang beauty pageant?
Babaeng German: At ang nanay ko naman ay dating sumasali sa mga beauty pageant noong kanyang kabataan!
Bago pa lumaki ang issue ay dumating ang isa sa mga admin na kasama ako. Nag-usap, nagtalo at nagmurahan kami hanggang sa may mga sumisigaw na. Hindi ko na isasama ang mga detalye noon dahil masakit lang sila sa puso’t damdamin ko.
Bueno, tinanggal ang tarantadong Briton sa guild namin makalipas ang ilang oras. Ayaw nga naman ng mga admin sa mga “bully”. Nanghingi din ng dispensa ang aking mga kasama at sinabi sa akin noong isa pang Briton (iyong Scottish) na hindi naman daw lahat ng Briton e ganoon ang tingin sa mga Pilipino at Pilipina.
Pero ngayon, oras na para harapin ang malagim at mapait na katotohanan. Totoo man na mali at bastos yung Gagong Briton sa pagtukoy sa ating lahi, sa palagay ko may mga nakikita siya sa ating bansa na nagbigay sa kanya ng ideya na sabihin ang kanyang mga sinabi. Bastos man ang kanyang mga sinabi at ganap na nakakasira ng araw, naisip ko rin na hindi niya gawa-gawa ang mga sinasabi niya. Mali at malaswa man ang tingin niya sa mga Pilipina, masakit isipin na malamang, ang mga maling ugali din natin ang nagbigay sa kanya ng mga maling saloobin.
Bakit Nga Ba Baliw Na Baliw Tayo Sa Mga Beauty Pageant?
Binanggit na ito ni Binibining Ilda sa aming FB community page pero gusto ko lamang itong ulitin at ipaliwanag. Wala naman talagang masama sa pagiging “maganda” at pagsali sa mga beauty contest, ngunit ang gusto ko sanang itanong, bakit nga ba parang kagandahan na lang ang kaya nating ipagmalaki? Naalala ko lang tuloy yung batang babae sa isang pelikula ni Vice Ganda na hindi ko maalala ang titulo (at sa totoo lang ayaw ko na talagang maalala) na pinagpipilitan na wala nang ibang mas mahalaga kundi ang kagandahan niya. Kung ganito nga naman mag-isip ang tipikal na Pilipino, ano nga ba sa palagay natin ang magiging tingin sa atin ng mga dayuhan.
Malinis man talaga ang mga beauty pageant, huwag sana nating kalimutan na sa bandang huli ang basehan din nito ay sekswalidad. Tignan na lamang natin kung paano paliit ng paliit ang mga two-piece na suot ng mga kalahok dito. Hindi man malaswa ang gusto nilang ipahiwatig at may Question and Answer portion ang mga beauty pageant, hindi natin maitatanggi na bumabagsak lang talaga ang kompetisyon sa kung sino ang pinakamaganda, pinaka-sexy at pinaka-masarap maging asawa. Kaya nga sa bandang huli, parang pagpapakitang gilas lang sa mga kalalakihan ang mga beauty contest.
Sabi nga ni Binibining Ilda, para naman kasing nakaka-insulto na kagandahan na lang talaga ang pagsukat sa galing at katangian ng mga kababaihan ng Pilipinas. Kahit ako, naniniwalang maraming Pilipina na matalino at maparaan sa buhay kahit hindi sila ganoon kaganda. At kung tutoosin din naman kasi, hindi kayang ipaunlad at payamanin ng kagandahan ng isang babae ang buong bansa.
Sa sarili ko namang punto, wala rin naman kasing masama sa pagiging maganda o sexy. Totoo nga naman na bumebenta talaga ang kaseksihan sa panahon ngayon. Kaya nga lang kung puro kaseksihan na lang talaga ang kaya nating ipagmalaki, ano nga naman ang iisipin ng ibang tao tungkol sa atin. Bilang isang halimbawa ng sinasabi ko, tignan niyo na lang ang anime na Witchblade. Isa ito sa mga paborito kong anime dahil meron itong isang kuwento ng isang ina na naghahanap ng paraan para maibigyan ang anak niyang babae ng maganda at masaganang kinabukasan at naalala ko ang sarili kong ina doon sa bidang babae. Ang problema nga lang, dahil masyadong “sexy” ang cover ng anime, iniisip kaagad ng mga tao na ito ay malaswa (kahit hanggang Rated PG lang naman ito) o isa nanamang palabas na “hentai”.
Bakit Nga Ba Natin Sinasamba Ang Katangian Ng Mga Taga-Europa?
Isa pa ito sa mga katanungan na bumabagabag sa aking pag-iisip. Isa rin ito sa hindi lubos maintindihan ng mga ibang mambabasa ng aking mga nakaraangartikulo. Bakit nga ba pag-pinaguusapan ang kagandahan, maging ang konsepto ng kaunlaran, lagi ang mga Taga-Europa at ang kanilang mga katangian ang tanging pumapasok sa kaisipan ng tipikal na Pilipino. Totoo nga ba ang mga sinasabi ni Zaxx sa kanyang artikulo na hanggang ngayon ay bihag pa rin tayo ng mga dayuhan sa ating pag-iisip.
Ang gusto ko sanang sabihin e bakit ganoon na lang ang tingin natin sa mga babae (o minsan maging sa mga lalake) na walang katangian na taga-Europa. Kung hindi sila maputi, matangos ang ilong at unat ang buhok, wala na ba silang karapatan na matawag na “maganda”? Kung sila ba ay medyo tustado ang kutis, hindi katangusan ang ilong at kulot ang buhok, ibig ba sabihin e “pangit” na sila? Naisip ko nga, papaano na lang kung Pilipina si Ms. Miyamoto, iyong Ms. Japan noong Ms. Universe, susuportahan ba natin siya o pagsasabihan ng mga masasakit na salita dahil may katangian siyang pang-Aprikana?
At naisip ko nga rin, bakit nga ba itinuturing natin “success story” ang mga Pilipinang nag-aasawa ng dayuhan? Kung ang isang Pilipino ay nag-asawa ng babaeng dayuhan, matatawag din ba itong success story? Siguro nga lahat ng ito ay may kinalaman sa “Cinderella Mentality”, iyong tipo bang imbes na magsikap tayo sa ating sariling ika-uunlad, naghihintay pa rin tayo ng tapagligtas na aayos sa lahat ng mga problema natin at hindi na tayo kikilos para sa ating sarili.
Hindi ko rin naman sinasabi na masama magkaroon ng katangian ng taga-Europa. Ang sinasabi ko nga lang, sana naman dumating din ang panahon na lahat ng mga Pilipina ay makuhang mahalin ang kanilang sarili kahit hindi sila maputi o matangos ang ilong. Sana naman magkaroon din tayo ng pagmamahal sa sarili nating mga katangian kahit hindi ito mukhang nakuha natin sa mga taga-Europa.
No comments:
Post a Comment