Featured Post

MABUHAY PRRD!

Tuesday, January 10, 2012

Dagdag-bayarin na ipapataw sa OFWs, ‘di-malusog’

John Leonard Monterona ng Migrante-Middle East. (Kontribusyon)

John Leonard Monterona ng Migrante-Middle East. (Kontribusyon)

Simula pa lamang ng taon subsob na sa kampanya ang Overseas Filipino Workers (OFW) upang tuligsain ang anila’y “hindi malusog na iskemang pagkakakitaan” ng gobyerno sa pamamagitan ng isang circular na inilabas kamakailan.

Inilabas ng Philhealth Board ang Circular No.022, na magtatalaga ng 150% pagtaas sa health premiums na ipapataw sa mga OFW ang naturangcircular. Mula sa kasalukuyang singil ng P900, lolobo ito sa P2,400.

Ayon kay John Leonard Monterona,regional director ng Migrante-Middle East, ito’y iskemang pagkakakitaan na naman ng gobyerno sa pamamagitan ng mga ahensiya nito. Aniya, “unti-unting pinapatay” nito ang kapwa niya mga manggagawa sa ibang bansa, at nagpapanggap lamang ito na serbisyong panlipunan.

“Hindi lamang tutuyuin ang mga OFW (dahil sa) pagtaas ng bayarin sa health insurance, bagkus ay tila sisipsipin ang aming dugo sa pagtatalaga ng dagdag na mga bayarin,” ani Monterona.

Isiniwalat ni Monterona na may konsultasyon na ang kanyang grupo sa mga abogado upang pag-aralan ang mga maaaring gawin nilang hakbang upang kuwestiyunin ang legalidad ng Circular No. 022.

Ayon sa naturang mga abogado, ang naturang sirkulo ay taliwas sa Amended Migrant Workers Act, o Republic Act 10022, na nagpapatigil sa anumang pagtaas ng singil ng gobyerno para sa mga serbisyong ibinibigay para sa mga OFW at ng kanilang mga kaanak.

“Isa pa’y walang isinagawang konsultasyon ang Philhealth Board sa mga grupo ng mga OFW. Kaya’t hindi sila dapat magtakda ng agaran hangga’t hindi sila nakikipagdayalogo sa mga OFW at ng mga pamilya nito, ang siyang stakeholders ng ahensiya na ito,” dugtong ni Monterona.

Naglunsad ang Migrante ng signature campaign para kumalap ng suporta sa kampanya laban sa naturang sirkulo. (Matutunton dito ang petisyong ‘NO TO Philhealth premium Increase’)

“Isang milyong lagda ang aming kukunin hanggang sa Hulyo 2012 – ang nakatakdang pagpapatupad ng Philhealth premium sa P2,400 mula sa kasalukuyang P900. Ipapadala namin ang makakalap naming mga lagda kasama ang aming position paper kay Pangulong Aquino at sa mga miyembro ng Philhealth Board,” pagtatapos ni Monterona.

No comments: