Monday, April 23, 2012

Mapanduro

Pagtanaw at Pananaw
By Bert de Guzman

Hindi ba kayo nagtataka kung bakit ang mga maka-kaliwang aktibista at militanteng grupo ay hindi man lang nagprotesta laban sa PANDUDURO ng dambuhalang China sa Pilipinas nang magkaroon ng stand-off sa Scarborough Shoal (Panatag) sa Zambales at maging sa rocket launch ng North Korea, pero kay-ingay at kaylakas ng pagtutol sa PHL-US War Exercises? Bakit nga ba ganoon sila? Dinaluhong pa nga nila ang US Embassy dahil sa Balikatan Exercises. Nitong dakong huli, nagising din yata ang Bayan Muna nina Rep. Teddy Casino at mga kasama, sila ay sumugod sa embahada ng China at sinabihan ang mga Tsino na iwanan ang Panatag Shoal

May balitang pinuri pa raw ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang palpak na pagpapaimbulog sa ere ng rocket ng North Korea. Iyon daw ay pagsuway sa kagustuhan ng US at ng mga kaalyado nitong Japan, South Korea at iba pa. Ano bang katwiran ito? Dapat magising ang CPP-NPA-NDF na halos imposibleng maging komunismo ang sistema ng gobyerno sa Pilpinas dahil ito ay isang Kristiyano at Katolikong bansa na naniniwala sa Diyos. Ang pagkakaalam ko, ang mga komunista ay hindi naniniwala sa Maykapal, isa itong “Godless Ideology. Papaano ito tatanggapin ng mga Pinoy?

Hinggil pa rin sa panduduro ng higanteng China sa maliit at mahinang Pilipinas, ginalugad ko ang aking imahinasyon, pinalipad ito sa Parnaso ng Wika at Sining, at natagpuan ko ang marahil ay tama o angkop na salin ng BULLY sa Tagalog. MANDUDURO o MAPANDURO. Dahil dito, ang BULLYING o panduduro ng isang malaki at malakas na bansa sa isang bansang hikahos, walang puwersa at salat sa makabagong military hardware na pantapat sa agresibo at mapandurong dayuhang bansa, ay hindi karapat-dapat. Nasaan ka America at ASEAN na kasangga ng Pilipinas ngayong dinuduro ang inyong kaibigan ng mala-Goliath na kapangyarihan? Bakit hindi kayo kumibo o kumilos laban sa SIGA-SIGA o Mapandurong bansa?

Mabigat pa rin ang problema ng kawalan ng koryente sa Mindanao na baka raw mangyari rin sa Luzon. Sa Bataan na kinatitirikan ng naunsiyaming Bataan Nuclear Power Plant (BTPP) na isinulong noon ni ex-Pres. Ferdinand E. Marcos, may report na inihayag ni Bataan Gov. Enrique “Tet” Garcia na isang bagong power plant diumano ang nakatakdang itayo. Ayon kay Gov. Tet, ang konstruksiyon ay magsisimula kapag nalinis na ang BTPP ng mga scraps at materyales na nakaimbak at nakakalat doon.

Maligaya at malusog na ika-85 kaarawan kay Pope Benedict XVI na nagdiwang noong Abril 16. Sana ay mabasa ng Mahal na Papa ang pagbati kong ito. Meron kayang BALITA sa Vatican City at marunong din siya ng Tagalog? Bert de Guzman

No comments:

Post a Comment