Sunday, August 27, 2017

Kilala nyo si Flor Contemplacion?

By Van Ybiernas

Kung oo, mahusay! Kung hindi, ipapakilala ko siya sa inyo:

Si Flor Contemplacion ay isang ordinaryong mamamayan na ang kamatayan sa ibang bansa ay naging mainit na topic din noong kalagitnaang bahagi ng dekada 90. Ang mga may-isip na noon, malamang kilala siya. Ang mga nagka-malay pagkatapos mamatay ni Flor, malamang hindi siya kilala. At dahil mas mabilis na "bumabata" ang ating lipunan, mas marami ang hindi nakakakilala sa kanya.

Ginamit lang ng mg pulitiko ang kamatayan ni Flor, hindi para sa kabutihan ng bayan, kundi para sa kanilang sariling interes na pulitikal. Sapagkat, wala naman talagang paki ang mga pulitiko sa kapakanan ng mga mamamayan. Nakikita nila ang kapakanan ng mga mamamayan bilang kapital na magagamit nila upang paulit-ulit na mahalal sa pwesto.

Naging simbolo ng mga OFW ---na tinanghal na bagong bayani ng pamahalaan (pero pinabayaan at pinapabayaan pa rin naman)--- si Flor. Pero, wala rin nangyari sa kanya, sa kanyang pamilya at kahit na sa kanyang kapwa OFW. Cash cow pa rin ang tingin sa mga OFWs. Ang tingin naman sa kanila ng mga negosyante ay customer na mabebentahan nila ng condo, sasakyan, insurance at kung ano-ano pa.

Lahat ng klase ng pahirap ay inaabot pa rin nila sa ibang bansa at puro excuse pa rin lang ang maririnig sa pamahalaan kung bakit hindi sila natulungan o natutulungan.

Sapagkat wala naman talagang paki ang pulitiko at iba pa sa kanila. Kailangan lang ang kanilang perang padala upang umangat at manatiling malusog ang pambansang ekonomiya.

Hindi pa rin sila kilala ng mga pulitiko.

Ngayon, palitan ang pangalan ni Flor Contemplacion ng Kian de los Santos.

Happy Sunday sa ating lahat

No comments:

Post a Comment