*Apologies to non-Tagalog speakers/readers of this site. Allow me this one time to indulge in my native language. Thank you.
Kakagising ko lang kaninang mga bandang 6:00 ng gabi. Bago ako bumaba nagmuni-muni muna ako sa kama kung magpapalusot ba akong may sakit o papasok na lang sa trabaho? Ang sarap pa mandin ituloy ang pagtulog lalo na nga at umuulan sa labas. Bumangon ako’t nagpasya na papasok na lang ako; di natin alam kung kelan natin kakailanganin yang mga emergency palusot na mga yan sa trabaho.
Bumaba ako bandang 6:30 at nadatnan kong nanonood ng balita ang tiyo ko. Nagtitimpla ako ng kape at bumulaga ang pagkalakas-lakas na boses ni Mike Enriquez na ang kandidato natin sa pagkapangulong si Mar Roxas ay naghahamon na ng suntukan sa kapwa presidentiable na si Mayor Rodrigo “Digong” Duterte ng Davao.
Ayos, kako. Upgraded na mula sa simpleng sampalan ang patutsadahan ng dalawa.
Sabay kaming natawa ng tiyo ko. Oo nga naman. Mahihiya ang mga batang paslit sa bersyon nila ng away kalye. Okay nga sana kung merong totoong rambulan na nangyari. Nagpapakababaw na rin lang tayo, lubusin na natin. At sa isang bansa na karamihan nga naman ng tao ay mahilig sa sari-saring bersyon ng kababawan at mga marahas at agad-agarang uri ng solusyon sa mga problema, siguradong papatok yan at makakalikom ng kanya-kanyang boto sa kada kandidato. Di malayong gayahin ni VP Binay yang estilong yan, kung sakaling maging matagumpay nga (Next round: Binay vs Miriam. Cue: Rocky theme).
Kahit na nagdududa na ako sa tila ‘scripted’ na alitan ng dalawa—nasabi ko na nga na baka yang ‘sampalan’ na yan e sa kanya-kanyang mga palad naman at di sa mga mukha nila dumapo—nakakangiwi pa rin ang mga reaksyon ni Mr. Palengke lalo na sa telebisyon. Napaghahalatang nanginginig sa sobra- sobrang pagtitimpi at pagpigil sa sariling mag-mura at magsalita ng mas balahurang mga kataga sa kanyang kalaban. Di lang po si Mang Digong ang magaling dyan, mga kapatid. Kayang kaya syang tapatan ni Mr. Palengke sa aspetong yan. Yun nga lang e huwag lang daw sa tapat ng media.
Kahit bali-baliktarin pa natin ang sitwasyon, ang labas na talunan sa asarang ito ay si Mar. Wala na ngang sense of humor, sablay pa sa pagpapa-kwela. At sa kada pilit na palabasing isa rin syang myembro ng mga masa e mas lalong lumalayo pa sa mga taong gustong ligawan para sa boto. Naalala ko tuloy yun pelikulang 8 Mile ni Eminem. Lalo na yun pinakahuling laban nya sa isang maangas-kunong gangstah na sa totoo pala e coƱong-sheltered na college boy. Tulad ni Eminem, si Mang Digong, lahat ng baho, karahasan, kamanyakan at katabilan ng dila, nakabulatlat sa madla. Wala raw pagkukunwari. Kaya kahit anong lait ang gawin, walang epekto. Alam nyo na siguro kung sino si college boy Clarence sa asarang ito.
Trash talk pa lang ng isang mayor bumibigay na. Ano pa kaya kung mga isyung kritikal sa bansa ang hinaharap ninyo? Utang na loob huwag nyo na gayahin yun estilo ng boss ninyong panot kung sakaling sa anumang makademonyong salamangka e naluklok kayo sa pwesto. Kahit na lahat halos ng media outlets e parte na ng malaking makinarya ng propaganda ninyo huwag naman kayong magpaka-kampante sa katangahan ng karamihan. Napupuno din ang mga yan.
Kaya Mr. Roxas, ser, isang unsolicited advice lang na sa tingin ko ay palagi din sinasabi ng mga taong nakapaligid at may malasakit sa inyo bago pa kayo magawan na naman ng panibagong meme: Di krimen ang manahimik paminsan-minsan sa isang tabi.
No comments:
Post a Comment