Friday, August 7, 2015

Alam Pa Ba Ng Mamamayang Pinoy Ang Kahulugan Ng Salitang “Kabayanihan”?

August 6, 2015
by Grimwald
NOTE: Ladies and gentlemen, I find myself writing another Tagalized article here not because I want to leave out our foreign readers but simply because I want this particular message to reach out to more locals who have some difficulty reading English. It is imperative for many of my countrymen to at least get the gist of this message especially with the up and coming 2016 presidential election. For all our English-centric readers, fear not, this is just another of my one-shot Tagalog articles and is essentially just a mash-up of these three articles. I sincerely hope you understand my choice of medium at least for now.
“Bayani”, isang simpleng salita na, sa tingin ko, ay tuluyan ng nawalan ng kahulugan sa ating bansa.
Ngunit una sa lahat, ano nga ba talaga ang ibig sabihin ng salitang “bayani”? Ito ba iyong lalakeng may malaking panga na laging nagtatatanggol ng mga naapi at may seksing kasintahan? Ito ba iyong babaeng maganda at matalino na ipinaglalaban ang karapatan ng mga mamamayang inaabuso at para mabigyan sila ng hustisya? Ito ba iyong batang makulit na gumagawa ng mabuti para matanggap at mahalin siya ng mga tao sa kanyang lipunan? Ito ba iyong tao na kahit ilang beses ng nabigo at napahiya ay patuloy pa ring gumagawa ng mabuti para sa ikabubuti na kanyang kapwa?
bayaning_pilipino
Sabi ng media noon, si Ninoy Aquino daw ay isang bayani katulad ni Jose Rizal at ni Andres Bonifacio. Tapos, nung mamatay naman si Cory, ipinagpipilitan ng ilang miyembro ng mismong simbahan natin na santa naman daw siya. Noong 2010 naman, nanalo sa pagka-presidente si Noynoy Aquino dahil sa paniniwalang (paniniwala na sa tingin ko ay baluktot) siya ay may dugo ng isang bayani at ng isang santa (namamana na pala ngayon ang kabayanihan at kabanalan) at siyang magliligtas ng bansa mula sa kahirapan at panganib.
Ngayon naman, pinag-aawayan ni Mar Roxas, Jejomar Binay at Grace Poe ang titulo bilang “Bayaning Magliligtas Sa Pilipinas Sa 2016″. Hayan na nga at andami-dami ng mga publicity stunt ang ginagawa ni Mar Roxas tulad na lang ng pagkukunwari niyang karpentero, taga-deliver ng mga paninda, traffic enforcer at marami pang iba. Si Binay naman, andami-daming ipinamimigay na libreng pagkain, gamit at serbisyo sa pag-aakalang makukuha niya ang puso at pabor ng mamamayan at kamakailan lamang ay meron pa siyang sariling SONA kung saan binatikos niya ang mga mali ni President Aquino kahit siya mismo ay may napakaraming katiwalian at kalokohan na dapat niyang panagutan. Pagdating naman kay Grace Poe, mukhang kuntento na siya pag-papaawa niya para makuha ang sympatia ng mga Pilipino, tutal karamihan naman talaga ng mga bida sa tipikal na teleserye ay mga naulila at madalas inaapi ng mga masmakapangyarihan sa kaniya, “perfect plot” ‘di ba?
Sa ibang dako naman, handa kong aminin sa inyong lahat na hindi ko kailanman nahiligan ang mga superhero ng mainstream media ng Pilipinas. Maliban siguro sa Batang X (nahiligan ko siguro ito dahil sa malagim na kuwento ng mga bida), Pintados (na medyo unique sa tingin ko) at iyong sunog na superhero na nilikha ng isang Filipino artist na kasama sa gumawa kay Wolverine, wala na akong natipuhan na Pinoy superhero. Para sa akin, ang mga mainstream superhero natin tulad ni Captain Barbel, Darna at Lastikman ay masyadong perpekto at hindi na mga kapani-paniwalang mga karakter sa kuwento.
Sinabi din ni Bob Ong sa isa sa kanyang mga inakda na minsan, hindi na magandang impluwensiya sa kabataan kahit siya mismo ay nanunood o nagbabasa din nito. Aaminin ko na kahit ako ay mahilig din sa mga kuwento ng superhero pero minsan, dahil na rin sa impluwensiya ng media, nagiiba ng konsepto ng “bayani” dahil sa mga sumusunod na konsepto:
  • Kung wala kang powers, wala ka rin namang magagawa kaya huwag ka ng kumilos para isalba ang sarili mo o ang kapwa mo. Maghintay ka na lang ng superhero na magliligtas sa iyo at sa kapwa mo.
  • Dahil may powers ang mga superheroes, sila lang ang may kakayahan at kapangyarihan na tumulong sa lipunan. Pag may gulo, ang dapat mo lang gawin ay sumigaw at mag-makaawa sa mga superhero o kahit sino mang may kapangyarihan.
  • Ang kapangyarihan ng mga superhero ay simbolo ng pagiging bayani nila at pinili sila siguro ng Diyos o ng kung ano mang lumikha ng mundo o sangkalawakan para maging tagapagligtas. Bilang mamamayan, ang tungkulin mo lang ay humingi ng tulong sa kanila pag may problema ka at sila na ang mag-reresolba nito para sa iyo.
Kung titignan niyo ang profile pic ko sa Facebook, makikita niyo na ginagamit ko ang mukha at simbolo ni Deadpool na tinaguriang “Bungangerong Bayaran” na hindi ko maitatangging paborito kong Marvel Comics superhero. Oo, totoo nga naman na bayaran siya, mukhang pera at sira-ulo pero walang makakatanggi na kahit papaano meroon pa rin siyang kunsensiyang sinusunod pag naloko na ang sitwasyon. May malalaking “issue” man siya, masasabi ko pa rin na isa siyang bayani dahil nakukuha pa rin niyang gumawa ng mabuti kahit siya ay baliw at lasog-lasog na ang kanyang katawan at lumalabas na ang kanyang bituka.
Balik naman tayo ngayon sa realidad. Kung titignan din natin ang mga “bayani” sa kasaysayan ng mundo, wala sa kanila ang perpekto. Marami sa kanila ang problemado sa buhay ngunit pinipili pa rin nilang gawin ang tama para sa ikabubuti ng kapwa kahit mahirap ito.
Tignan niyo na lang si Oskar Schindler na nagligtas ng napakaraming tao noong Pangalawang Digmaan Pandaigdig. Isa siyang babaero at aminado din ang asawa niya na hindi mabuti ang hangarin niya para sa mga biktimang Hudyo ng partidong Nazi noong panahon ng giyera. Noong simula, gusto lamang niyang samantalahin ang pagka-desperado ng mga Hudyo at pagkakitaaan sila. Ngunit noong makita niya ang mga masasamang balak ng mga Nazi, isinugal ni Oskar Schindler ang kanyang yaman, pangalan at buhay para mailigtas ang kanyang mga Hudyong trabahador. Noong matapos ang giyera, tuluyan nalugi si Schindler at naghirap hanggang mamatay siya. Wika nga ng marami, hindi man siya ganun katanyag, kalakas o katalino, nakuha pa rin niyang maging bayani dahil pinanindigan niya ang pagiging makatao kahit nalublob na sa kasamaan ang gobyerno ng Germany.
Si Mother Theresa naman ay kilala sa buong mundo bilang isang napakabait na santa. Ngunit kahit siya ay nakaramdam rin ng pagkawala ng pag-asa nung pag-tanda niya at namatay siyang alalang-alala sa kalagayan ng mga maiiwan niyang dukha. Maraming kumo-kuwestiyon sa pag-iisip niya at kahit siya rin mismo ay halos mawalan na rin ng pananampalataya nung malapit na siyang mamatay. Ganoon pa man, pinilit pa rin niyang magsilbi sa kapwa at tumulong sa mga dukha ng India dahil sa paniniwalang lahat tayo ay anak ng Diyos at karapat-dapat na matrato bilang mga tao.
Heto ang mga huling punto ko para sa artikulong ito kung nalilito pa rin kayo sa mga gusto kong ipunto:
Hindi Madaling Makita Ang “Tunay” Na Kabayanihan
Dahil nga sa hindi mabenta ang mabuting balita o “good news”, huwag na kayong umasa na madalas niyo itong makikita sa mga dyaryo o telebisyon o maririnig sa radyo. Kadalasan pa nga, ang mga tunay na kabayanihan ay mga maliliit na bagay na hindi madaling mapansin ng madla ngunit may napakalaking epekto sa lipunan.
Ang Mga “Kabayanihan” Sa Media Ay Kadalasan Kasinungalingan Lamang
Kahit ipakita pa ng media na kayang magsayaw ng pang macho dancer si Mar Roxas, hindi pa rin puwedeng sabihin na macho dancer nga siya. Kahit magbigay pa ng libreng pokpok si Jejomar Binay, hindi pa rin ibig sabihin na iniisip niya ang kapakanan ng mamamayang Pilipino. Kahit patuloy na magpaawa si Grace Poe at ipakitang kaya niyang magpanday ng espada, hindi mo pa rin siya puwedeng tawagin na bayani. Parang awa niyo na mga mamamayang Pilipino, huwag na sana kayo magpaloko sa mga huwad na bayani ng media. Ang mga nakikita niyong palabas sa TV tungkol sa kanila ay simpleng “palabas” lamang at malamang ay malayo sa katotohanan. Binayaran lang nila ang mga producer ng mga iba’t-ibang TV channel para gawaan sila ng script at bigyan ng camera crew para gumawa ng propaganda. Ang mga makikita niyong mga tao sa mga palabas nila ay kadalasan binyaran din para kunwari may tinutulungan sila na bukal sa loob nila kahit ginagamit lang nila ito para makuha ang simpatiya ng madla. Tandaan natin lagi na hindi na dapat ipagmalaki o ipakita pa sa kapwa ang ginagawa nating mabuti. Kahit sa Bibliya mismo, mababasa ninyo na ang kabutihan na ginagawa sa harap ng publiko upang ipagmalaki ay hindi pa rin matatawag na “tunay” na kabutihan.
Ang Mga Tunay Na Bayani Ay Kadalasan Hindi Tulad Sa Ating Inaakala
Si Oskar Schindler ay isa lamang hamak na negosyante sa Europa at namatay siyang dukha dahil sa kanyang pagkakalugi. Hindi siya tulad ni Ninoy Aquino na pinagpipilitan sa atin ng media na “bayani” daw kahit wala naman talagang nakakaalam sa buong kuwento ng pagka-patay sa kanya. Si Mother Theresa ay isang simpleng madre na galing sa Macedonia at nahabag sa mga mahihirap sa India na halos gawin ng hayop ng mga kapwa nila. Hindi siya tulad ni Cory Aquino na mayaman at may kakamping mga media magnate. Kadalasan, ang mga tunay na bayani ay mga hamak na miyembro lamang ng lipunan na pinipiling gumawa ng mabuti para sa kapwa kahit gaano pa ito kahirap.
***
Mga kababayan ko, huwag na tayong magpaloko pa sa media pagdating sa mga “bayani”. Lahat tayo ay may potensyal na maging bayani kung pipiliin nating mag-isip para sa ating sarili at gawin ang tama kahit mahirap pa ito. Malapit na ang 2016, heto na ang pagkakataon nating maging bayani sa pamamagitan ng pagpili ng tamang pangulo ng ating bansa.

No comments:

Post a Comment