Friday, July 17, 2015

Ang Immoralidad ng Pinoy Media

July 14, 2015
by Grimwald
Kamakailan lamang, meron mga naki-usap na isalin ko sa Tagalog o wikang Filipino ang tatlo sa aking mga nakaraan na artikulo. Ang isa ay iyong tungkol kay Vice Ganda, yung susunod ay ukol sa Pinoy Big Brother at iyong huli naman ay naglalaman ng mga kritisismo laban sa media ng Pilipinas. Madalang talaga akong gumawa ng artikulo sa Tagalog dahil mas sanay ako sa Ingles pero dahil may nagsabi sa akin na marami daw ang mas madaling makaka-intindi sa aking mga punto, pagbibigyan ko kayo sa ngayon dahil sa tingin ko ay napakahalaga ng media sa buhay ng bawat mamamayan at ito rin humuhubog o sumisira sa kaisipan ng isang pamayanan. Kaya lapit na at makinig kay Tito Grimwald…
morality_philippine_media
Pasensya na lang talaga at hindi ako sanay mag-kuwento sa Tagalog…
Magsimula tayo sa isang pangyayari nitong nakaraan lamang. Sumali ako sa isang kumonidad sa isang MMORPG. Para sa mga walang gaanong alam sa mga video game, ang kumonidad o “gaming community” ay samahan sa isang MMORPG ng maraming manlalaro. Dahil karamihan ng mga MMORPG ay pang-buong mundo, malaki ang posibilidad na may mga gaming community na may mga miyembro na galing sa iba’t-ibang sulok ng daigdig. Isa na dito ang aking sinalihan na kumonidad at in-interview muna ako ng isa sa mga supervisor bago ako ay tuluyan nilang isali.
Ang supervisor na naka-usap ko ay isa palang police dispatcher na taga-New York. Naglalaro siya ng MMORPG bilang isang libangan at para na din magkaroon siya ng kaibigan sa iba’t-ibang parte ng mundo. Mahaba-haba ang aming naging usapan pero paiikliin ko na lang at pipiliin ang mga pinaka-importante sa mga batas ng kumonidad na sinalihan ko.
Heto ang mga sinabi niya na isinalin ko sa Tagalog:
“Ginoong Grimwald, maraming mga batas ang kumonidad na ito. Maraming MMORPG kung saan kasama ang kumonidad natin. Medyo sikat at malaki ang samahan na ito kaya medyo strikto na kami ngayon. Ayaw kasi namin ng gulo at gusto lang namin na ma-enjoy ng bawat miyembro namin ang game world. Heto muna ang tatlo sa mga pinaka-mahalagang batas ng ating kumonidad.
“Una, maging responsable at magalang. Ang lahat ng sasabihin mo ay maaring marinig o mabasa ng ibang mga manlalaro. Kaya kung sa palagay mo ay hindi magdudulot ng mabuti ang iyong mga sasabihin, huwag mo na lang ito ituloy. Irespeto mo ang iba kung gusto mo ring irespeto ka nila.
“Pangalawa, bawal ang personal na panlalait o pangbu-bully. Wala kang karapatan na laitin ang kahito sinong tao kahit kilala mo pa siya. Wala ka ring karapatan na mambastos ng kahit anong lahi, relihiyon o bansa. Kung meron kang binastos ng personal kahit miyembro sila ng iba pang kumonidad, tatanggalin na namin ang membership mo.
“Pangatlo, i-trato ng tama ang mga batang manlalaro. Maraming mga manlalaro na menor na edad pa lang. May mga miyembro ang kumonidad na ito na labing-isang gulang pa lang. Igalang mo sila at huwag kang magkukuwento ng kalaswaan pag kasama na sila. Higit sa lahat, bawal ang pakikipag-usap sa kanila sa malaswa na pamamaraan. Sa oras na mahuli kang nag-kukuwento ng malaswa o nag-hihikayat ng kalaswaan sa mga menor na manlalaro, tanggal ka kaagad at ire-report ka sa mga pulis diyan sa lugar mo.
“Nagkaka-intindihan ba tayo Ginoong Grimwald?”
Napansin ninyo siguro kung paano na lang pahalagahan ng mga Amerikano at mga mamamayan ng iba pang mayaman na bansa ang batas sa kanilang media. Kahit sa mismong online game ay seryoso sila sa pagpapatupad ng batas at pananatili ng kaayusan. Sabi sa akin ng mga nakalaro ko ay dahil daw ito sa kagustuhan nilang maging mabuting halimbawa sa kanilang kapwa.
Kung ganoon ay nalulungkot na lang ako dahil parang tila walang paki-alam ang mga kababayan ko sa media at kung paano nito sirain ang kanilang mga kaisipan…
Heto kasi ang napapansin ko sa mga lokal na palabas natin:
Puro Na Lang Ka-Walang Hiyaan Ang Tema Ng Mga Palabas Natin
Halos lahat na lang ng mga teleserye natin ay umiikot sa pangangaliwa, kalaswaan at patagong pakikipag-talik. Tapos andami sa ating nagtataka kung bakit pabata ng pabata ang mga nabubuntis at padami ng padami pa kamo sila. Totoo man na kahit ang mga anime na pinapalabas noon ay may halong konting kahalayan tulad ng Tenjo Tenge at Air Gear, hindi mo naman masasabi na kabastusan ang iniikutan ng kuwento. Ngunit ang mga lokal na teleserye ay lagi na lang naka-sentro sa tema ng pakikipag-talik sa hindi mo asawa, pag-iingit ng kapwa sa pamamagitan ng kalaswaan, paghihiganti at “pag-ibig” na sa bandang huli ay kalibugan lamang ng kabataan.
Ang Panlalait At Pananakit Ng Tao Ay Nakakatawa 
Isa ito siguro sa mga pinaka-malalang bagay na napapansin ko ngayon. Maraming nagsasabing nakakatawa daw ang mga patawa ni Vice Ganda pero, kung ako ang tatanungin ninyo, walang nakakatawa sa panlalait ng kapwa. Bandang huli, nananakit ka lamang ng damdamin ng iba at sinsira mo lang ang dignidad na iyong kapwa. Maging sino ka pa, ang panlalait sa mga taong hindi kaguwapuhan o kagandahan, mga may kapansanan o mga mahihirap sa pampublikong lugar ay kailanman hindi naging tama. Katanggap-tanggap pa siguro ito kung sa loob lang ito ng isang comedy bar, ngunit hindi ito nararapat na ipalabas sa buong bansa lalo na kung may mga batang nakakanood nito. Lagi po sana nating tandaan na kahit ang mga bagay na mali, pag nakikita ito ng isang bata, ay nagiging tama lalo na kung walang magulang na mag-gagabay sa kanila sa panunood.
Ang Pagsama Sa Mga Bata Sa Kalaswaan
Alam niyo na siguro ang isyu tungkol kay Andrea Brillantes, tama ba? Tapos, sa palagay ko, meron pa din ang nakaka-alala kung paano pinilit ni Willie Revillame na magsayaw sa malaswang pamamaraan ang isang batang lalake sa telebisyon. Ngayon, siguro naman may ideya na kayo kung bakit gustong-gusto ng mga child molester na magpunta sa Pilipinas. Karamihan sa atin ay masaya na sa pagbibigay ng kung anong gusto nila na walang paki-alam kung makakabuti ba sa kanila ito o hindi basta lang manahimik sila. Wala na rin tayong paki-alam kung maaring kursunudahin sila ng mga child molester dahil ayaw nating isipin na maaring malaswa na ang ginagawa o ang pinagagawa natin sa kanila.

No comments:

Post a Comment