Saturday, February 7, 2015

The [Real] Government

February 6, 2015
by Dumangsil
“Boboto ka nang tama, hindi naman
nila bibilangin ng tama. Wag na lang”

Limang taon na akong botante, pero isang beses pa lang ako naka experience ng pagboto. Masaya. Parang pyesta, andaming tao, andaming tinda, andaming libre,libre pagkain, pamasahe, meryenda, pamaypay na may tatak, sumbero. Na may tatak. Bag. Damit. Pulseras.
– na may tatak.
Andaming kalat. Noong panahong yon, inimagine ko, ang ganda siguro kung buong taon, campaign period. Tayo’y magsayawan! Halina’t samantalahin ang pagkatanga ng mga Pilipino. Di bale nang kurakot basta artista. Di bale nang walang alam sa paghawak ng buwis, basta anak ng dating congressman. Tsaka dapat, mas magaling syang ngumiti at kumarga ng bata.
Yan ang tema ng botohan. Pansin ko.
Demonstrators wear masks depicting pigs during a protest against official corruption at Luneta park in Metro Manila
Para sa akin, napakadami kong kailangang ayusin sa buhay ko. Pag aaral pamilya, pera, utang……pag-ibig. Parang kung susuriin kong maigi, ano bang magagawa ng mga pulitiko sa bansang ‘to, eh Pilipinas nga, hindi nila mapaganda, buhay ko pa kaya.

Edukado tayo, pero nagmumukha tayong inutil sa mata ng mga pulitiko Alam nyo ba kung paano at bakit?
Hindi.
Dahil mas naeengganyo tayo sa mga baller na pinamimigay nila.
Nakalimutan na siguro natin na mayroon pa tayong natitirang kalayaan sa katawan natin. Oo. Meron pa. Pero hindi natin kayang gamitin ang kalayaang iyon dahil kuntento na tayo sa kung anong meron sa bansang ito. Oo. Malaya na nga tayo mula sa pananakop ng Kastila, Amerikano, Hapon at ng mga Nemic. Pero nananatili pa rin tayong nakakulong sa sistemang umiiral sa bansang ito.
Ang bansang Pilipinas po mga kaibigan, ay nasa ilalim ng isang pamahalaan na kung tawagin ay “demokrasya”. At ang demokrasya po, sa aking pagkakaintindi, ay nagtataglay ng kapangyarihan na nasa palad ng mga taong bayan. Kung gayon, tayo ang boss.
Di umano.
Yan ang sinabi sa atin ng mga libro noong tayo ay elementary at highschool. At kahit hanggang ngayon. Pero hindi natin masyadong naiintindihan dahil abala tayo sa pagpapataas ng grades natin noon. Kinundisyon tayo ng paaralan para magsaulo, imbis na umintindi. Marami tayong alam pero hindi natin naiintinihan. Masaya nating tinanggap ang mga kasinungalingang nakalimbang sa mga libro na sinulat ng mga tao sa gubyerno habang hindi natin napapansin na wala naman talagang demokrasya sa bansang ito.
Tingnan natin.
Si Mayor, kapatid ng konsehal, si Mayor, anak ng Governor, si Governor, may asawang Congressman, si Congressman, ay stepfather ng isang Senador, na kabit ng isa pang Senador, pero member ng Gabinete ang tunay nyang asawa, at anak naman sa labas ang isang taga Palasyo, nagpakasal ang taga Palasyo sa isang hindi masyadong kilalang tao, pero tatakbo naman sya sa susunod ng eleksyon. Anak ng ballot box. May tawag dyan sabi ng kaibigan ko sa Google…
Oligarchy. Oligarkiya. Pamahalaang pinapatakbo ng iilang nilalang. Bakit nga ba napakaraming angkan ng pulitiko? Ganun na lang ba kadaling maging isang public servant.
Eto, imagine nyo, para maging engineer, kelangan mo ng apat o limang taon, ilang buwang review, at ilang araw ng makapigil hiningang board exam. Para maging CPA, kelangan mo ng limang taon at maraming tableta ng dolfenal. Ganun din sa doktor, nurse, teacher. Malaki ang papel na ginagampanan nila sa lipunan, di gaya ng papel na ginagampanan ng mga pulitiko, pero bakit kahit highschool graduate lang sila, ok na?
Gawin nating halimbawa ang ating mahal na pangulo. College graduate yan. Pero mayaman. Pero hindi ba natin pansin na parang sila na ang may hawak ng buong bansa? Paano?
Once upon a time, digmaan ng Amerikano at Pilipino. Talo tayo. Pero dahil tuso si Gen Antonio Luna, at mahal na mahal niya ang kanyang girlfriend, inipon nya lahat ng nakaimbak na yaman sa treasury ng Unang Republika at “ipinatago” sa kanyang kasintahan sa Tarlac na si Ysidra Cojuanco. Sa kasamaang palad, pinaslang si Luna. Nawala ang mga kayamanan. Subalit noong taong 1900, si Ysidra Cojuanco ay isa nang ganap na donya.
Sarap no.
Yan ang alamat ng yaman ng pamilya Cojuanco. Pag may magsasakang umutang sa kanila, ok lang. Sige, no problem….basa kolateral ang lupa nila. Maraming magsasaka ang hindi nakabayad ng kanilang mga “inutang” kayat kinuha ang lupa nila. Dumami nang dumami ang kanilang sakop hanggang nasakop na nila ang buong Central Luzon. Mas kilala ito ngayon bilang Hacienda Luisita. Umusbong ang malalaking kumpanya na pag aari ng mga Cojuanco.
Panahon ni Marcos. Gusto ni Marcos ng reporma sa lupa, marami dyan ay kalupaan ng Luzon. Pero hindi papayag ang mga Cojuanco. Sumobra ang higpit ng diktaturya. Malawakan ang korupsyon. Bumagsak ang regimen ni Marcos. Ibinalik ni Cory ang “demokrasya”. Nabasura ang reporma. Nanatili sa kanila ang hacienda. Naibalik din ang napakaraming negosyo na pag aari ng mga Cojuanco. Naibalik sa mga Lopez ang ABS CBN. Doon nag umpisa ang utang na loob ng “media” sa pamilya Cojuanco. Dapat bayadan ng mga Lopez ang utang na loob na iyon. Doon nagsimula ang pagsasanib pwersa ng gubyerno at ng media. Ginamit ang media sa maling paraan. Ginawa itong tagatimpla ng mga maling istorya na sya naman nating pinaniniwalaan. Pinalaki nila tayo sa kasinungalingan tungkol sa mga tunay na nangyayari sa bansa. Ginagawa nila tayong tanga. At dahil hindi marunong magisip ang masang Pilipino, masaya na tayo sa pagiging mga televiewers.
Sabi nga ni Bob Ong, hindi mahalaga sa atin ang katotohanan. Ang mahalaga lang sa atin ay tsismis. Isipin mo ngang maigi kung paano tumatakbo ang ekonomiya ng mahal nating bansa. Sino ang may ari ng mga kompanya ng krudo. Ng Petron. Chevron. Baby Oil. Sino may ari ng lahat lahat ng produkto ng San Miguel Corporation. Ng SWS, ng Meralco, ng Smart at Globe, ng Ayala Lands. Ng mga bangko. Ng mga asukarera, plantasyon. Ng Del Monte. At ng mga TV stations. Lahat sila. Magkakamag anak.
Pusanggala. Sila lang ang yumayaman.
Kung talagang mayaman ang bansang ito, hindi na sana umaalis ang mga kababayan natin. Kung mayaman ang bansang ito, hindi sana trapik sa EDSA. Marami sanang proyekto ang kayang gawin ng pamahalaan. Marami sana tayong eroplano para sa airforce, baril at uniform para sa mga sundalo. Classrooms para sa mga estudyante, mas malalaking power plants para walang rotating brownout. Mas maraming trabaho para sa libo libong bagong graduates at milyon milyong tambay na walang ginagawa kundi ang kumuha ng remitance mula sa mga ofw. Murang gas. Murang pamasahe. Murang tuition. Murang bigas. Murang karne. Murang taho. Murang fishball…..oops. Mura pa din ang fishball ngayon.
Pero mababaw ang kaligayahan natin eh. Ok na tayo sa mga waiting shed, basketball court at mga trophy at medal na donated by Mayor habang padagdag ng padagdag ang palapag ng mansion ni Congressman. Walang kumpetisyon sa merkado kaya wala tayong ibang choice kundi iilang produkto.
Ayon sa libro ng konstitusyon, (1987), Article XII, na kinatha ng Administrasyon ni Cory, bawal mamuhunan ang mga dayuhan sa Pilipinas. Sarado ang pamilihan natin mula sa mga foreign investors dahil gusto ng pamahalaan, negosyo lang nila ang dapat mamunga.
Pero wala tayong ginagawa kahit na ano. Hinahayaan natin sila dahil ok pa naman tayo eh. Panay pa rin ang boto natin sa parehong mukha na tayo rin ang may gawa. Tayo rin ang nagluklok sa kanila, dahil sabi sa commercial, mabuting tao raw sya. Wag na wag kang maniniwala sa kung ano ang napapanood mo sa TV. Hindi lahat ng pulitiko, sweet. Wag na wag kang matutuwa kung namimigay sila ng libreng pagkain, baller, pamasahe, pamaypay, lalo na yung may tatak. Dahil babawiin nila yan pag nanalo sila…Uhm, pero pag natalo sila, ok lang din, dahil siguradong may isa silang kamag anak na mananalo.
Demokrasya. Demokrasya your face. Nasaan ang demokrasya kung iilang tao lang ang kumukuntrol sa bansa. Demokrasya na bang maituturing ang dalawang porsyento ng populasyon ng Pilipinas na pumunta sa EDSA?
Oligarchy. Yan ang ating lipunan ngayon. Imulat mo ang mata mo. Wag kang maniwala sa
“Vote Wisely”
dahil sa bukod sa hindi nama tamang tao ang iboboto mo, hindi rin yan kayang bilangin ng tama ng mga tao s gubyerno.
Sa darating na botohan. Tutulog na lang ulit ako.

Dumangsil

Dumangsil. One of the ten Bornean Datus who escaped from the government of Rajah Makatunaw. Together with Datu Balinsusa, they established a settlement at the mouth of Pansipit River which flows from the majestic Bonbon Lake, presently known as Taal. They called themselves Taga Ilog. Today, their descendants are known as Tagalogs. ----> Dumangsil. Fiction writer and speaker of fluent sarcasm. Descended from the great bloodline of Tagalog clan. A great fan of Jose Rizal, Bob Ong and Eraserheads. My goal is to build a better place for the future generation to live in.

No comments:

Post a Comment