Thursday, February 19, 2015

How Filipinos killed his fellow - Paano pinatay ng mga Pilipino and kanilang kapwa

February 18, 2015
by Dumangsil
 
Makulilim noong hapong iyon, araw ng pamilihan sa kabisera kaya’t doble ang bilang ng mga rumorondang gwardia sibil sa kabayanan. Noong araw na iyon ay umalis ang ina ni Pepe upang bumili ng karne kaya’t naisipan niyang mamasyal sa tabi ng ilog.
Malayu layo na ang kanyang nalakad nang makita niya ang bangkerong si Lucas na nangangawil sa gitna ng ilog. Likas kay Pepe ang pagiging palakaibigan kaya’t madali silang nagkasundo ni Lucas at magkasamang nangawil nung hapong iyon. Sa di inaasahang pagkakataon ay biglang nalaglag sa ilog ang kabiyak na alpombra ni Pepe na nakapatong lamang sa gilid ng bangka. Dahil sa malakas na agos ng ilog ay hindi niya nagawang makuha agad ito.
Walang anu ano’y hinagip niya ang kapares na alpombra at itinapon patungo sa kinaroroonan ng kaparis, na labis na ikinagulat ni Lucas.
“Oy, bata, bakit mo hinagis yung isa, wala ka na tuloy magagamit na panapin sa paa” nag-aalalang tanong ng batang si Lucas na halos ay ka-edad lamang niya.
“Nalaglag na yung isa eh, wala na ring mangyayari doon sa isa ko pang alpombra, tinapon ko yung isa nang sa ganon ay mapakinabangan pa ito ng kung sino mang makakapulot dito” nakangiting sambit ni Pepe.
Nang lumaon ay naging malalim ang pagsasamahan ng dalawa. Si Lucas ang nagsilbing karamay ni Pepe sa tuwing siya’y natutukso sa eskwela.
Gayunpaman, ibinabahagi naman ni Pepe ang mga kaalaman niya kay Lucas, na hindi magawang makapasok sa eskwela bunsod ng kahirapan.
Lubhang nalungot ang magkaibigan nang dumating ang araw ng pagtulak ni Pepe patungong Maynila upang mag-aral. Bilang tanda ng malalim nilang pagkakaibigan ay pinabaunan siya ni Lucas ng isang lente upang makatulong sa kanya sa pagbabasa. At isa namang rosaryo ang iniwan ni Pepe nang sa ganon ay hindi nila malimutan ang isa’t isa.
Maraming taon ang lumipas at lubhang malayo na ang narating ni Pepe. Isa na siyang ganap na duktor na tinungo pa ang Madrid at maraming panig ng Europa upang ipagpatuloy ang pag-aaaral. Marami na rin siyang nasulat na mga artikulo at nobelang bumabatikos sa bulok na pamamahala ng gubyerno sa kanyang bansa, na lubos na ikinababagabag ng pamahalaan.
Samantala, isang pag-aaklas ang naganap sa bayan ni Lucas, subalit sa kasamaang palad ay nabigo sila na naging dahilan ng kanilang pagkakapiit. Noong mga panahong iyon ay lubos na ikinabahala ng Gobernad Heneral ang patuloy na pagliit ng bilang ng mga kawal sa kanilang hanay na naging dahilan upang sapilitang armasan ang mga bilanggong indiyo at makipaglaban para sa kanila. Kabilang sa mga sundalong indyo si Lucas.
Makalipas ang ilang buwan ay naging matunog ang bulung-bulungang magbabalik na sa bansa ang noo’y nakikilala nang si Pepe. Nakarating ito sa kaalaman ng kaibigang si Lucas kaya’t madali siyang pumuslit sa tulong ng ilang kasapi ng Katipunan upang makitang muli ang kaibigang noo’y nahatulang ipiit sa Dapitan sa salang pagbatikos sa pamahalaan.
Halos hindi nakilala ni Pepe ang kaibigang nakabiiis na parang isang magsasaka. Napakahabang paglalakbay ang ginawa ni Lucas makarating lamang sa Dapitan. Masayang nagkamustahan ang dalawa at maluha-luhang nagpalitan ng kanya kanyang mga karanasan noong panahong sila’y magkalayo. Hindi maiwasang maitanong ni Pepe ang tungkol sa pagiging kawal ni Lucas.
“Maniwala ka Pepe, hindi ko ito ginusto, pinilit lamang kami. Hawak nila ang leeg namin. Papatayin nila kami at maging ang mga mahal namin sa buhay kapag sumuway kami. Wala kaming magawa sapagkat kami’y mga hamak na indiyo lamang at walang magtanggol sa amin” paliwanag ni Lucas.
Simula ng pagkikita nilang iyon ay mas lalong sumiklab sa damdamin ni Pepe ang pagnanais na ipamulat sa bawat kalahi ang pagmamalupit ng mga dayuhang mananakop sa kanilang bayan.
Lubhang nabahala ang pamahalaan sa pagkakalimbag ng una at ikalawang nobela ni Pepe. Maraming kritiko ang sumalungat sa mga panulat niya kaya’t nagdulot ito ng matinding tensyon sa panig ng gubyerno at simbahan.
Makalipas ang ilang buwan, isang rebelyon ang naganap sa pamumuno ng mga Katipunan na nagbunsod sa pagkakatatag ng isang Republika sa kanilang bansa.
Isa namang kautusan ang natanggap ni Pepe upang maglakbay patungo sa Cuba upang gamutin ang mga sundalong nasa digmaan roon,
na agad naman niyang tinanggihan.
Kaya’t agad siyang dinakip upang ipatapon sa Barcelona.
Subalit isang kaso ang ipinataw kay Pepe na nagdadawit sa kanya bilang isa sa mga haligi ng Katipunan, kaya’t agad siyang hinarang na noo’y patungo na sa Espanya upang litisin sa Maynila.
At bunsod ng baluktot na na sistema ng paglilitis at kawalang katarungan sa pamahalaang iyon ay nahatulan siya ng kamatayan sa salang rebelyon at pagtataksil sa gobyerno.
Katatapos lamang ng pasko noon, lingid sa kaalaman ni Lucas ang nabibilang nang araw ng kaibigang si Pepe.
Samantala, nabulabog ang himpilan nina Lucas nang biglang ipag-utos ng sarhento ang agarang paghahanda sa isang seremonya na hindi nila alam kung ano.
Ilang araw ang nakalipas at dumating na nga ang oras ng seremonyang tinutukoy ng kanilang mga sarhento. Humanay na ang mga kawal sa gitna ng Bagumbayan. Nakatindig sa unang hanay ang mga kawal na Indiyo. Isa-isa nilang inayos ang kani kanilang mga riple.
Ilang minuto din ang lumipas nang sa di kalayuan ay may isang lalaking hindi katangkaran ang pinatindig sa gitna ng damuhan. Maraming tao ang nakapaligid, ang iba’y nag-iiyakan. Hindi naman ito masyadong maaninag ni Lucas bunsod ng alinsangan. Maya-maya’y sumigaw na ang sarhento
“apunce!”
Rizal_execution
Matamang itinutok ni Lucas ang kanyang riple sa likod ng taong nakatayo sa harapan nila. Nakahanda na upang kalabitin ang gatilyo nito.
Maya maya’y humiyaw na ang sarhento,
“Fuego!”
Sumabog ang bariles ng mga riple ng mga sundalong indyo. Kasabay nito’y biglang nanlumo ang mga mata ni Lucas na noon ay kinalabit na ang gatilyo ng ripleng nakatutok sa likod ng kaibigan. Bumagsak si Pepe. Humihinga pa siya nang mga oras na iyon at doon nagtama ang kanilang mga mata. Nakangiti ang mga mata ni Pepe habang punong puno naman ng hinagpis ang mga mata ni Lucas. Lumapit ang sarhento kay Pepe at binaril siya sa sikmura. At kitang kita ng nanlulumong mga mata ni Lucas ang dugong tumalsik mula sa katawan ng kaibigan.
Isa siya sa mga dahilan ng pagkamatay ng kanyang kaibigan. Ng kanyang kapwa. Ng kanyang kalahi.
Biglang nagliparan ang mga ibon papalayo sa paligid ng Bagumbayan, kasabay ng paglipad ng mga pangarap ni Lucas.
Biglang siyang natulala at nagsimulang mangatal. Nag-umpisa nang tumulo ang ilang butil ng luha sa kanyang mga mata at dagling itinapon palayo ang hawak na riple.
Biglang tumugtog ang banda ng musiko at malakas ang hiyawan ng mga tao. ” Viva España”
Sa di kalayuan ay naririnig pa niya ang mahihinang tawanan ng mga sarhento at ilang maharlika na nagdulot ng pagngangalit ng kanyang mga panga. Hindi rin nakatakas sa paningin niya ang noo’y nakahandusay na katawan ng kaibigan. Gusto niya itong lapitan ngunit hindi niya magawa sapagkat wari bagang may tanikalang nakapulupot sa kanilang leeg. Bigla niyang naalala ang mga salita ni Pepe noong mga panahong siya ay nakapiit sa Dapitan,
“Alagaan mo ang mga anak mo, walang ibang pag asa ang bayan kundi ang mga kabataan. Kailangan ninyong matuto at kailangan nyo ring turuan ang isat isa. Walang kwenta ang gubyernong ito. Sapagkat hindi nila kayo tuturuan. Para sa kanila, isa ka lamang tupa. Lahat tayo. Para lamang tayong mga tupa. Wala tayong ibang pwedeng gawin kundi ang magbayad at sumunod. Papayag ka ba sa gusto nila? ”
Ngayon ay tuloy tuloy na ang daloy ng kanyang mga luha. Humagulhol siya ng tahimik at lubos na sinisisi ang sarili. Pagsisisi sa kanyang kamangmangan ang noo’y umiikot sa kanyang utak. Hindi niya matanggap ang katotohanang kahinaan nila ang pumatay sa kaibigan nya.
Hindi niya matanggap ang katotohanang Pilipino ang siya ring pumatay sa kapwa Pilipino.
Nang gabing iyon, matapos ang hindi inaasahang mga pangyayari ay nagpasya si Lucas na bumalik sa ilog kung saan sila unang nagkita ni Pepe. Minumuni-muni ang malalim na pagkakaibigan ng dalawa.
Maya-maya’y isinawsaw na niya ang kanyang mga paa sa may pampang. Dahan dahan inabot ng kanyang dalawang daliri ang noo, at nag umpisang mag antanda ng krus habang tinatapos ang mahinang dasal na sana’y mapatawad siya ng matalik niyang kaibigan.
Matagal siyang nakatayo sa gilid ng ilog. Napakadalisay ng tubig na umaagos. Kasing dalisay ng mga damdamin ng mga batang hindi pa naisisilang. Kasing dalisay ng luhang kanina pang umaagos mula sa kanyang mga mata. Kasing dalisay ng dugo ng kaibigan na dumanak sa lupa ng Bagumbayan.
Simula noon ay hindi na muling nakita pa si Lucas.

Dumangsil

Dumangsil. One of the ten Bornean Datus who escaped from the government of Rajah Makatunaw. Together with Datu Balinsusa, they established a settlement at the mouth of Pansipit River which flows from the majestic Bonbon Lake, presently known as Taal. They called themselves Taga Ilog. Today, their descendants are known as Tagalogs. ----> Dumangsil. Fiction writer and speaker of fluent sarcasm. Descended from the great bloodline of Tagalog clan. A great fan of Jose Rizal, Bob Ong and Eraserheads. My goal is to build a better place for the future generation to live in.

No comments:

Post a Comment