Thursday, April 11, 2013

HINDING-HINDI KAILANMAN MAGKAKAISA ANG IYONG MGA KALAHI HABANG WALA KAYONG IISANG LAGANAP AT GINAGAMIT NA PAMBANSANG WIKA!



Ang bayan mo ay lagi na lamang maghihintay ng kabihasnang dayo – kahi’t ang mga iyon ay pantapon at nakasusuklam – mananatili kang taga-sunod at gumagaya sa mga gawain at ugali ng mga taga ibang lupain.  Bagaman ang mga iyon ay nakasisira sa mga pag-uugali at kabutihang-asal ng iyong mga anak.  Ang pamumuhay ng iyong bansa ay lagi na lamang lupig at alipin ng sa iba; manapa, sa tinagal-tagal ay ‘di ka na makikilala sa ibabaw ng daigdig!

Akong aba at ‘di kilala mong kalahi ay malabis ding nalulungkot, na kalimitan ay lalong malinaw ang pagpa-pahiwatig ng aking mga kuru-kuro sa pamamagitan ng salitang dayo!  Nguni’t dapat ko kayang ikahiya na amining ang kinagisnan ko at sa akin ay itinuro ng balighong kabihasnan bunga ng masaklap nga nating kasaysayan ay lubhang nagpapahirap ng aking damdamin sa ngayon? 

Ikaw kaya, Kapatid ko at kalahi, ay katulad ko rin na ngayon ay nalilito?

Datapwa’t nananawagan ako sa iyo, kalahi kong giliw, na sikapin nating huwag nang magisnan pa ng ating mga anak ang mapait, malagim, at tinitiis nating paghihirap ngayon – ang gipit na pambansang pamumuhay na naging bunga ng ating sinamantalang-palad at balighong kasaysayan. Inaanyayahan kitang tumulong ng iyong makakaya; upang mapag-isa ang ating wikang pambansa, at mapalaganap ito sa ating bayan, upang mabigyang buhay ang naghihingalo nating kabihasnan at masagip ang ating pambansang pamumuhay sa pagka-alipin.

Umaasa ako, Kapatid ko, sa iyong pagdamay; at lubos akong nagpapasalamat.

Sa ipagkakaisa ng ating lahi, sumasaiyo ako sa katapatan. – IRINEO P. GOCE

No comments:

Post a Comment