Wednesday, December 12, 2012

Ang daang matuwid ni Rizal


By Mitos Habana Magsaysay

Kamakailan ay ipinagdiwang natin ang kapanganakan ni Jose Rizal ang ating Pambansang Bayani. Nagkaroon ng selebrasyon sa Calamba, Laguna kung saan nakaroon ng unveiling ceremony sa pinakamataas na statwa ni Rizal si Pangulong Noynoy Aquino o Pnoy. Sabi niya dapat tularan natin si Rizal sapagka’t dahil sa kanyang kadakilaan at sakripisyo, ito ang naging daan patungo sa kalayaan ng ating bansa. Pinuri niya si Rizal dahil kahit na ipinanganak itong may kaya, mas ginusto pa niyang ipaglaban ang di pantay na hustisya na ipinairal ng mga dayuhan sa ating bansa. Mas gusto ni Rizal tahakin ang daang matuwid kahit na ito ang naging dahilan kaya siya ay binawian ng buhay ng pinatay siya sa Bagumbayan Field.
Ang panawagan ni Pnoy ay gayahin natin si Rizal at tahakin din natin ang daang matuwid. Ito ay isang magandang panawagan para sa ating lahat pero dapat pati ang ating mga namumuno ay gagawin din ito. Kamakailan ay naghain ang minorya ng Kongreso ng isang resolution para imbestigahan ang mga KKK (Kaibigan, Kaklase at Kabarilan) ni Pnoy. Ang nakapagtataka ay kung bakit pinakikialaman ng palasyo ng Malacanang ang paghain at pinatitigil itong matuloy na dinigin sa kongreso. Kahit sino ay may karapatang maghain ng resolution for investigation sa kongreso parehas ng kahit sino rin ay pwedeng maghain ng reklamo o kaso sa Ombudsman o korte.
Si Executive Secretary Ochoa ay pinaiimbestigahan para sa kanyang white mansion na di niya naisama sa kanyang statement of assets and liabilities. Si Secretary Purisima ay pinaiimbestigahan para sa di niya pagbayad ng buwis sa BIR ng 2 taon sa mga pinagkakitaan niya . Si Undersecretary Rico Puno na nirekomenda ng IIRC report na bigyan ng sanction dahil sa nangyari sa Luneta hostage crisis. Si Assistant Secretary Virgie Torres na nirekomenda for dismissal ng Department of Justice .  At ang huli, ay si Bucor Chief Ernesto Diokno na di na iimbestigahan at kasuhan hinggil sa pagtakas palabas at paloob ni dating Governor Antonio Leviste sa Bilibid prisons na alam ni Diokno na nangyayari dahil lamang siya ay nag-resign na. 
Dahil sa panghihimasok ng Malacanang sa isyu, gusto na ba nilang ipakita sa taong bayan na sa ilalim ng Pnoy administration, wala ng karapatan ang kahit sinu man na maghain ng reklamo o resolution para malaman ang katotohanan. Sabi nila character assassination lang ang gagawin. Ano pala ang tawag nila sa walang tigil nilang pagbabatikos sa mga kaaway nila sa pulitika sa diyaryo, tv at radyo? Mayroon na ba tayong double standard na hustisya dito sa ating bansa, isa para sa kaaway (trial by publicity) at iba para sa kakampi (pagtakpan at iabswelto)? 
Lahat ng pinagbasehan ng minorya ay galing mismo sa findings ng DOJ ni Pnoy. Sila ang nag-imbistiga at ang recommendations ang kanilang naging conclusions. Sabi ni Pnoy recommendatory lang ang sa DOJ pero para que pa ka nagkaroon ng DOJ kung di mo naman papakinggan ang recommendations nila na masusing inimbestigahan nila ang mga kaso. Hindi kailangan ng minorya mag imbento ng isyu laban sa admistrasyon, sa loob mismo nito ay sila na mismo ang gumagawa ng negative issue tungkol sa kanila.   Gusto kong hiramin ang pananalita ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda: ” if you have nothing to hide, you have nothing to fear. So what are you afraid of?”
Pangulong Aquino tanong lang po, sinundan niyo po ba ang yapak ni Rizal?  Asan na po ang transparency, accountability at daang matuwid na pinangako niyo sa aming lahat? Isang hiling lang po, sana po you practice what you preach.
*************************
This article was originally posted by Rep. Mitos Habana Magsaysay at The AP Crowd discussion group.
About the Author:

Mitos Habana Magsaysay is a Congresswoman at the House of Representatives of the Philippine Congress.

No comments:

Post a Comment