Monday, October 24, 2011

Marahas ba ang Pinoy?

Pagtanaw at Pananaw
Ni Bert de Guzman
Balita (Manila Bulletin)

Fr. Fausto Tentorio poses with volunteers

Isang katolikong bansa ang Pilipinas na sagana sa mga aral ni Kristo, gaya ng MAHALIN MO ANG KAPWA TAO TULAD NG PAGMAMAHAL SA SARILI. Pero, bakit parang nagiging MARAHAS at malupit ang mga Pilipino sa kapwa ngayon.

Tingnan na lang natin ang ginawang pagpaslang kay Italian missionary Fr. Fausto Tentorio sa loob mismo ng bakuran ng simbahan sa Arakan, North Cotabato, ang pagdukot, paghalay at pagpatay sa 19-anyos na si Grace Given Cebadico, estudyante ng UP Los Banos, ang pagbaril sa isang ina ng anak na dating pulis sa Maynila, at iba pang mga kalapastanganan na salungat sa Kristiyanismo at mga gintong aral nito!

Ang paring misyonero na mahigit sa 30 taon nang naninirahan sa Pilipinas, partikular sa Mindanao, ay binaril nang walong ulit ng solong gunman na hindi iginalang ang katayuan ng paring Italyano na hindi naman isang combatant, kaaway o kaya ay armadong indibidwal na may ideolohiyang isinusulong. Manapa, ang ipinupursige niya ay paglilingkod, pagmamahal at pagtulong sa mga katutubo sa Arakan at mga kanugnog na lugar upang bumuti ang kanilang buhay. Bakit mo papatayin ang ganitong uri ng tao? Dahil lang sa minahan o ano pa mang kadahilanan?

*****

Papaano natin muling masasabing ang Pilipinas ay PERLAS NG SILANGAN kung ang paliparan natin ay itinuturing ngayon bilang “World’s Worst Airport” o Pinakapangit na Paliparan sa buong Mundo? Well, marami na rin akong napuntahang airport, subalit ang NAIA 1 yata ang pinakabulok dahil walang sapat na tubig, kulang ng toilet papers, marumi, at mapanghi.

Saan dinadala ng awtoridad ang P750 terminal fee na sinisingil sa bawat pasahero bukod pa sa P1,620 travel tax? Dapat ay iutos ni P-Noy sa Department of Tourism at Department of Public Works and Highway na kumpinihin, pagbutihin at paghusayin ang mga istraktura ng ating paliparan sapagkat kung mananatili itong “World’s Worst Airport”, walang turistang magpupunta sa bansa kahit na nga magaganda ang ating mga tanawin, baybayin, bundok, dagat.

Marahil kung pupunta man ang mga turista sa Pilpinas, baka tama si US Ambassador Harry Thomas, na sila ay pumupunta rito para maghanap at mag-enjoy sa SEX! Hindi ako naniniwalang PUTA ang mga Pinay, sila ay malilinis ang puso danga’t sakal-sakal sila ng kahirapan at pagdurusa.

Sa pahayag ng “Guide to Sleeping Airports”, pinakawalang-kwenta raw ang ating paliparan batay sa mga reklamo ng travelers: “Pag-aalala sa kaligtasan, kawalan ng komportableng upuan, mga bastos na tauhan, hostile security, pangit na pasilidad, no services to pass the time, masyadong hassles sa loob ng airport.”

Bukod dito, nakararanas din ang mga pasahero ng diumano ay panghihingi ng tiwaling customs personnel sa mga balikbayan at dayuhan.

Pero sabi ni MIAA chief AFP Maj. Gen. (ret.) Angel Honrado, ang pagsusuri o assessment na ito ay noon pang 2010 ginawa, at ngayon ay nasolusyonan na ang mga reklamo. Well, ang hipag ko na galing sa United States kamakailan ay nagsumbong sa akin at sinabing NAGPAPARINIG daw ang ilang tauhan ng airport sa kanya, pero hindi na niya ito pinansin dahil wala na siyang BARYANG DOLYAR na maibibigay. Sayang, hindi niya nakuha ang pangalan ng nagpaparinig, isusumbong ko sana kay Bureau of Customs Ruffy Biazon.

*****

Fernando Poe Jr.

Si movie action star Fernando Poe Jr. (FPJ) daw ang talagang nanalo sa halalan noong 2004 presidential elections. Ito ang pahayag ni Shari’ah Judge Nagamura Moner sa pagdinig sa Senado. Inamin ni Moner na ang kanyang grupo, kabilang ang election officers, ang nagsagawa ng pandaraya sa botohan sa Lanao del Norte, Lanao del Sur, Cotabato City, Maguindanao, Tawi-Tawi, Sulu at Sultan Kudarat.

“Kung walang dayaan, malayung-malayo ang panalo ni FPJ,” sabi ni Moner sa mga Senador. May isang milyong boto raw ang lamang ng actor kay Ate Glo sa mga lugar na kanyang ginalawan noon.

Patunay ito na hindi totoo na ang boses ng mamamayan ay tinig ng Diyos (Vox populi, Vox dei) dahil hindi lahat ng nahalal ay tunay na pinili ng mga tao. Hindi ba ganito rin ang nangyari sa kaso nina Kristo at Barabas, pinili ng mga tao na palayain si Barabas sa halip na si Jesus? Bert de Guzman



No comments:

Post a Comment