Wednesday, August 31, 2011

Wika bilang gunita

Ithink
By JAMES SORIANO
August 31, 2011, 12:45am

MANILA, Philippines — Malawak ang diskurso ukol sa wikang Filipino. Sa isang banda, may mga nagsasabing tapos na ang debate, sapagkat humantong na tayo sa punto ng ating kasaysayan na dapat matutunan ito at gamitin bilang pangunahing wika sa pakikipag-ugnayan.

Sa madaling salita, nagwagi na ang wikang Filipino, at ang paggamit ng nasabing wika ang tanda ng pagiging Filipino.

Sa kabilang banda, pinag-uusapan pa rin ito, lalo na sa akademya at mga umpukan ng intelektwal. May mga nagtatanong pa rin tungkol sa kalagayan ng wika: sa paggamit ng wikang Filipino bilang "second language" sa wikang Ingles, at sa tensyong rehiyonal na nananatili ukol sa konsepto ng wikang Filipino, sapagkat para sa marami, sadyang magkatumbas ang Tagalog at Filipino.

Subalit ang nakagagambalang katotohanan ay naiiwan ang diskursong ito sa mga palihan at silid-aralan.

Sa palagay ko, malay tayong lahat na may ganitong uri ng diskurso. Nakabaon nga lamang siguro ito sa ating kubling-malay, at hindi binibigyang boses o panahon. Kaya naman ninais kong bigyang-pahayag nang pahapyaw ang diskursong ito sa konteksto ng aking pagpapalaki -- sapagkat sa aking karanasan, "English-speaking" pa rin ang ating bayan.

Mahirap sabihing isinasabuhay nang nakararami ang wika bilang tanda ng pagiging Filipino. Mahirap, sapagkat, sa kongkreto, Ingles ang wikang binibigyang pribilehiyo sa ating opisyal na mga gawain. Mahirap, sapagkat maraming katulad kong pinalaki sa wikang Ingles — na nag-aral, natuto, at nag-iisip sa wikang Ingles — na itinuturing bilang suliranin ang kanilang pagiging "split-level Filipino."

Sa nakaraang artikulo, ninais kong magambala ang mambabasa para basahin ang di-nakasulat. Inimbitahan ko siyang suriin ang kaisahan ng aking tono sa estadong panlipunan na isiniwalat ko. Tinangka kong hamunin ang mismong pag-unawa ng mambabasa sa kondisyon ng ating wika at identidad bilang Filipino. Minarapat kong isiwalat ang kondisyon ng wikang Filipino sa aking mga mata upang maabot ang madla, sapagkat ang kondisyon ng wikang Filipino ay kondisyong pangmadla.

At dahil kondisyon ang aking tinatalakay, kundisyonal o "descriptive" rin ang aking mga pahayag. Hindi ako nagdududang may mga dalubhasang nagsusulat, nagtuturo, at nakikipagtalastasan sa Filipino; ngunit hindi rin natin maikakaila na, sa kabuuan, ang wikang Ingles ang pinipiling gamitin sa mga pamantasan.

Masakit ring sabihin na ang wikang Filipino ay wikang pangkalye. Ngunit may nailabas rin itong diskurso ukol sa relasyon ng wika sa kondisyong panlipunan. Kung pantay-pantay nga ang ating tingin sa bawat isa, bakit nga ba masakit marinig na ang wika natin ay wikang pangkalye? Sa madaling salita: bakit magkatumbas sa ating isipan ang "wikang pangkalye" at "wikang mababang-uri"?

Sa bansang Pransiya, hindi ba't wikang pangkalye rin ang wikang Pranses? Hindi ba't ito ang wikang ginagamit ng mga trabahador, ng mga nagproprotesta? Ang pagkakaiba, sa madaliang tingin, ay wika ng lahat ang wikang Pranses. Maituturing talaga ito bilang wikang pambansa.

Hindi ganito ang trato sa wikang Filipino. Ang diskurso ng wika bilang tanda ng pinag-aralan ay halimbawa ng pagkakawatak-watak ng ating lipunan. Filipino ang wika ng mga militanteng nagproprotesta sa harap ng Malacanang, ngunit sa Ingles naman isinulat ang mga batas, executive order, at court order na pinoprotesta nila. Filipino ang wikang ginagamit natin kapag kakuwentuhan ang ating mga kaibigan at kasambahay ukol sa maiinit na isyu ng lipunan, ngunit inuulat ang mga isyung ito sa Ingles na "broadsheet” o pangunahing diyaryo.

Dagdag pa, suriin natin ang estado ng Filipino bilang wikang opisyal; kaakibat ito ng Ingles. Kung isinasalin man ang mga batas natin sa wikang pambansa, kakaunti lamang ang makikita mo sa internet. Laging nasa Ingles ang mga official memorandum, deed of sale at judicial issuances.

Sa madaling salita: kung nakabababa man ang wikang Filipino, hindi ito dahil mas mababa ang Filipino bilang wika, kundi dahil mababa ang tingin natin dito sa ating mismong lipunan. Masakit pakinggan, ngunit ganito natin itinuturing ang wikang "pambansa."

Pinagtatawanan din natin kapag isinasalin sa Filipino ang mga pelikula't palabas na banyaga; hindi ko alam kung may susubaybay pa ba sa Gossip Girl kung naka-dub ito sa wikang Filipino. Sa mga bilihan ng aklat, kakaunti na ang mga aklat na isinulat ng mga Filipino, mas kakaunti pa ang talagang nasa Filipino.

Sa ilang paaralan, "Language" pa ang tawag sa asignaturang "English," samantalang hindi "Wika" ang tawag sa "Filipino." Dagdag pa, tinuturo ang sipnayan, agham, at "Reading" sa Ingles; kaya siguro mas gusto nating magbasa ng Noli at Fili sa SparkNotes pagtuntong natin sa mataas na paaralan. Nakapagtataka pa rin bang marami pa rin sa atin, mayaman man o hindi, ang nahihirapan pa ring magbasa at magsulat sa Filipino?

Mapapansin sa mga bumabatikos sa akin ang sumusunod na argumento: dapat itaguyod ang wikang Filipino sapagkat isa kang Filipino. Dito, makikita nating nakatali ang ideya ng pagiging Filipino sa paggamit ng wikang Filipino. Kung gayon, ibig sabihin bang ang mga hindi marunong — o tahasang hindi gumagamit — ng wikang Filipino ay hindi na Filipino?

Ang punto ko rito ay dapat din natin pansinin na sa ibang rehiyon, ibang wika ang nangingibabaw. Ang wikang Filipino ay nakabase sa wikang Tagalog, na isa lamang sa napakaraming wikang basehan ng indibidwal na identidad.

Dahil dito, hindi ito tinatanggap ng lahat; may narinig na rin akong kuwento ng kaibigang nag-taxi, na hindi pinansin ng tsuper sapagkat kinausap niya si manong sa wikang Filipino.

Kung gayon, talaga ngang limitado ang ating karanasan: iba ang kondisyon ng wikang pambansa sa labas ng Maynila. Sa kabisera mismo, Ingles pa ang ginagamit ng marami sa nakapag-aral.

Wala akong inambisyon kundi maisulat ang totoong nadarama nang walang takot. Ngayong napag-uusapan ang isyu ng wikang pambansa sa internet at media, naghahanap ako ng masusing tugon mula sa madla; sapagkat, sa palagay ko, walang mas mainam na paraan upang suriin ang gunitang pambansa kundi sa pagdiskurso tungkol sa Filipino bilang bansa sa Buwan ng Wika.

No comments:

Post a Comment