Tuesday, May 11, 2010

“BSN” (Binuhi Sa Nurse = Binubuhay ng Nurse) at mga iba pang Kuwentong OFW

Minsay ay nagkakatuwaan ang mga visitor ng AntiPinoy.com na mag usap usap sa shoutbox at may nabanggit si BongV na katagang natawa ang lahat. Ito ay ang katagang “BSN”. Hindi po Bachelors of Science in Nursing ang ibig sabihi nito kundi “Binuhi Sa Nurse” (sa Bisaya or more accurately, Cebuano) o sa Tagalog, Binubuhay ng Nurse.

Mga Asawang BSN

Natawa ang marami sa sinabi ni BongV dahil marami nga namang mao-obserbahan na lalaking Pilipino na kapag nakapag aswawa na ng Nurse ay hindi na magtatrabaho at magiging “houseband” na lang. Para bang nawala na ang kanilang pagkalalaki at lumalambot ang kanilang mga kamay, paa, puso at iba pang parte ng katawan at gusto na lang nila sa bahay para maging “buhay pensyonado”. Pero kahit lumambot na sila ay tingin sa kanila ng marami ay “tigas” pa rin. Ito ay dahil sila ang tigasaing, tigasampay at tigasangag ng kanin pang almusal ng kanilang asawang R.N. Nagtatrabaho ang kanilang asawa habang sila ay namumuhay sa ilalim ng mga palda bilang mga BSN. Hindi ko mawari kung paano nila natitiis na hindi magtrabaho gayung ang pagtatrabaho ay isang karangalan para sa isang nilalang (lalo na sa lalaki). Ito rin ay nakakapagbigay ng tinatawag na “validation of one’s existence” na kapag hindi ka nagtatrabaho ay pakiramdam mo hindi ka tao. Kapag ang isang lalaki ay nagtatrabaho, buhay siya at may kontribusyon sa mundo na hindi limitado sa pagiging tsimoy gaya ng mga BSN.

Mga Kamag-Anak na BSN

Meron ding mas malala pa kaysa sa asawang BSN at ito ay ang mga kamag anak na BSN. Minsan ay may kababata akong nurse at ibinalita nya sa akin na meron daw siyang boyfriend. Tapos ang boyfriend daw niya na yun ay hindi nakatapos ng pag aaral dahil tamad at walang motivation. Noong malaman daw ng mga kamag anak ng boyfriend niya sa Pilipinas na ang girfriend niya ay nurse, tuwang tuwa daw at sabi’y naka “jackpot” na daw sila. Umiling iling na lang ako dahil alam ko ang patutunguhan nun kung matuloy man. May mga kakilala ako na ang kanilang buong pamilya ay umaasa na lang sa kawawang nurse na nagtatrabaho sa USA, Canada, UK o mga iba pang bansa na nangangailangan sa kanila. Halos maubos na ang sweldo ng nurse sa kapapadala sa mga pangangailangan (a.k.a. luho) ng mga nasa Pilipinas. Kapag meron nang nurse sa pamilya, para bang may sumpa na nagkakatotoo! Magmula sa mga magulang hanggang pinsan ay nagkakaroon ng “kapansanan” na tinatawag na “katam”. Bigla na lang nawawala ang kanilang ganang mag trabaho dahil alam nila na merong isang magiting na pumipitas lang ng pera mula sa mga puno ng Amerika. Kapag may isang RN marami agad ang nagiging BSN.

Ang phenomenon na BSN ay hindi lang limitado sa mga nurse. Marami kang maririnig na istorya ng mga pamilyang nag migrate sa isang first world country gaya ng Estados Unidos at may mga naiwan sa Pilipinas na biglang mawawalan ng gana magtrabaho o mag aral dahil sasahod na lang nila ang kanilang mga kamay at may darating na lang sa kanilang “biyaya”.

II. Si Kuya Kariton

Hindi po si Efren Penaflorida ang aking tinutukoy. Si Kuya Kariton ay isang matandang nagbabalik ng mga shopping cart na iniiwan sa parking lot ng mga namimili sa isang Filipino supermarket sa Estados Unidos. Si Kuya Kariton ay matanda na at wari ko ay malapit na siya mag 70 anyos. Mula umaga hanggang hapon (at minsan gabi) ay nilalakad niya ang kahabaan ng parking lot na iyon at lahat ng makita niyang shopping cart ay kukunin niya para maibalik sa tamang lalagyan. Nakakapagod iyon at kahit mainit ang sikat ng araw o umuulan ng kaunti, kailangan kunin nila ang mga shopping cart na iyon para may magamit ang mga bagong dating na mamimili. Minsan ay nakikita ko siya na nagba-bus papunta sa trabaho o pauwi.

Minsay sa isang salo-salo na pang Pilipino ay nakita ko siya at nakahahalubilo. Sa aming pagkukuwentuhan, nasabi niya na may mga anak siyang babae sa Pilipinas na may asawa at ibinili niya ito ng mga sasakyan. Dumadaing siya na siya daw ang nagbabayad ng insurance at maintenance ng mga sasakyang ito. Tinanong ko siya kung bakit hindi ang mga asawang lalaki ang magbayad ng isurance at pag maintain ng mga sasakyan at ang sagot niya ay wala silang magagandang trabaho at hindi nila kayang mag maintain ng sasakyan. Sa isip isip ko, kung makita lang ng mga anak niya kung paano kinikita ng tatay nila ang pambayad sa mga luho nila, baka mag jeep na lang sila.

Kung yung tatay nga nilang nasa Amerika ay nagbu-bus lang sa tanda niyang yun, sana naman ay magkaroon sila ng kahihiyan na sila na magbayad ng insurance ng sasakyan nila at sila na ang tumaguyod sa pag maintain ng mga ito. Kung hindi nila kaya na tumaguyod ng sasakyan, mag jeep na lang sila at wag na manghingi sa tatay nila. Para naman may naitatabi ang matanda pambili ng sarili niyang sasakyan at hindi na mag bus. Sa tingin ko ang mga lalakeng asawa ng mga babaeng anak ni Kuya Kariton ay walang kasing kakapal ang mga mukha at mga lintang matatakaw sa dugo. Mahihilig pumorma sa mga sasakyan na hindi naman nila pinaghirapan.

III. Si Ka Randy

Si Ka Randy ay isang graphics artist na may anak na babae sa Pilipinas. Nang tanungin ni Ka Randy si Bheng (kanyang anak) kung ano ang gusto niyang regalo sa kanyang kaarawan, sinabi sa kanya na Cel Phone daw dahil wala pa siya nito. Dumating ngayon ang kanyang kaarawan kaya bumili si Ka Randy ng cel phone at pinadala sa Pilipinas. Lumipas ang isang linggo nang makuha na ng anak ang cel phone pero nagtataka si Ka Randy kung bakit wala man lang siyang naririnig o natatanggap na pasasalamat mula sa Pilipinas. Tinawagan niya ngayon ang kanyang anak at tinanong kung nagustuhan ba niya ang regalo. Ang sagot sa kanya ni Bheng ay hindi naman daw yun ang “latest” na modelo. Hindi naman kalumaan ang pinadalang cel phone ni Ka Randy at hindi nga naman ito ang pinakabago pero maganda pa rin at magagamit pa rin naman. Sumama ang loob ni Ka Randy at napansin siyang hindi nagsasalita buong araw at may lungkot sa kanyang mga mata.

IV. Si Engineer Arman

Si Engr Arman ay nagtatrabaho sa Saudi at bigla na lang nagugulat ang mga katrabaho niya dahil palagi siyang napapasigaw ng malakas sa kanyang telepono kapag kausap ang tinatawag niya na “Mama”. MAMA, ANO NA NANGYARI SA PINADALA KO? KAKAPADALA KO LANG NG TATLONG DAAN UBOS NA MAMA??? Hindi malaman ng mga katrabaho niya kung nanay niya ba o asawa ang kausap dahil ayaw nila itanong. Baka daw sila pa ang pagbalingan ng galit ni Arman. “AT ANO ANG SINASABI SA AKIN NA PINANG MAMAJONG MO LANG ANG PERA HA MAMA?” ang maririnig pa na sasabihin. Halos isang oras yun isa o dalawang beses sa isang linggo na bigla na lang may sigawan mula sa cubicle ni Arman. Masipag at magaling si Engineer kaso sayang lang ang galing niya dahil ang kanyang kapalaran at kayamanan ay itinataya lang sa mahjong.

V. Si Aling Nita

Si Aling Nita ay isang aleng tumatanggap ng labada sa aming lugar. Ang asawa niyang si Mang Arsenyo ay namamasada ng pedicab pero hirap pa rin silang pagkasyahin ang kanilang maliliit na kinikita para sa kanilang sarili at isang anak. Nag desisyon ngayon si Aling Nita na mag apply bilang domestic helper sa Hong Kong at matapos ang ilang buwan, nakapasok na siya ng trabaho doon. Panay ang padala ni Aling Nita ng pera sa kanyang asawa at naging kapansin pansin na si Mang Arsenyo ay tumigil sa pagpe-pedicab at umi-istambay na lang sa may kanto habang nagsusugal at nakikipag inuman. Kung minsan pa ay may babaeng kasama si Mang Arsenyo na ginagastusan niya gamit ang perang pinapadala ni Aling Nita.

Ang mga kuwentong ito ay ilan lang sa daan-libo pang kuwento ng mga tinatawag nating “Bagong Bayani”. Bayani nga sila dahil nasasakripisyo nila ang kanilang sariling ligaya at katiwasayan para sa kanilang mga mahal sa buhay at sa bayan. Ngunit di tulad ng mga bayani natin na sila Lapu Lapu at Bonifacio na ang kalaban ay mga manlulupig na dayuhan, ang kalabang lumulupig sa mga Bagong Bayani na ito ay ang mga walang kuwentang mamamayan ng kanilang sariling bayan. Nakakalungkot ito isipin pero totoo.

Pamilyar ba sa inyo ang mga kuwentong ito? Mayroon ba kayong mga nais na ipamahagi?

Source: http://antipinoy.com/bsn-binuhi-sa-nurse-binubuhay-ng-nurse-at-mga-iba-pang-kuwentong-ofw/


No comments:

Post a Comment