Sunday, March 7, 2010

Problema ng Pinoy: Ginagamit ang Talino para Mambola, hindi para dumating sa Katotohanan

Mga kababayan, meron akong masasabi tungkol sa mga nakikita ko sa mga debate sa iba’t ibang forum.

Ang sinasabing “kabobohan ng Pilipino” ay hindi dulot ng problema ng mga synapse connections, kakulangan sa neurons ng mga utak ng maraming Pinoy, o kung anumang “brain deficiency.”

Sa totoo lang, maraming Pilipino ang matalino. At ang talinong yan ay nakikita sa larangan ng musika at iba pa. Ang BPO industry mismo (lalo na’t sa mga specialized sa back-office operations) ay isang larangan kung saan ang talino ng mga Pilipino ay nagagamit.

Ngunit sa maraming bagay, nagiging kahiya-hiya ang ipinapakitang “kalidad ng talino” ng mga Pilipino.

Noong nanalo si Erap bilang presidente noong 1998, ito’y nagdulot ng napakalaking kahihiyan sa mga Pilipino sa buong mundo. Biglaang ang bilib ng mga taga ibang bansa sa Pilipino noong People Power Revolution ng 1986 ay biglang nawala noong 1998 at tuluyang bumaba ng husto ang tingin ng mga banyaga sa mga Pilipino.

Bakit nga ba nagmumukhang tanga at bobo ang mga Pilipino, eh hindi ba “matatalino” ang mga Pilipino?

Ito mismo ang problema: ito’y dulot ng mga maling desisyon at mga maling akala at maling paniniwala ng maraming Pilipino.

At paano naman nangyari yan?

Sa mga na-obserbahan ko sa ating mga Pilipino, at dahil ako ay Pilipino ay nakita ko rin noong ako’y bata pa na ganun din ang takbo ng utak ko, di ginagamit ng maraming Pilipino ang talino para hanapin ang katotohanan.

Kundi, ang ginagawa ng maraming Pilipino ay ginagamit nila ang kanilang talino para ipagtanggol nila ang kanilang mga paniniwala, di bale nang di naman pala totoo o tama ang kanilang pinapaniwalaan.

Sayang talaga ang karamihan sa mga Pilipinong ganyan ang paraan ng paggamit ng kanilang utak at talino. Imbes na maging tunay na tama ang kanilang mga pinapaniwalaan o sinasabi sa mga diskusyon, ang kanilang ginagawa ay meron silang “automatic” na pinapaniwalaan na galing sa tsismis ng ibang tao, maling turo ng kanilang mga guro o magulang, maling akala, ideolohiya, o nabasa sa newpaper column ng kolumnistang di naman pala marunong.

Di gaya ng ibang lahing galing sa mga bansang mas maunlad, na kung saan ang karamihan sa mga tao ay madalas ay ang kanilang pinaninindigan ay mga bagay na praktikal at totoo. At madalas kung mayroon man sa kanila ay nagkamali sa kanilang sinabi o pinaniwalaan sa bagay na praktikal, mas madali silang umamin sa kanilang mga mali at agad nilang aayusin ang maling akala upang na ito’y maging tama.

Pero sa mga forum na puro Pilipino ang mga nakikipagdiskusyon, halatang-halata na ang problema ng Pilipino ay malaki ang halaga ng “paniniwala” kaysa sa “katotohanan” at sa paghahanap ng katotohanan.

Dahil doon, ang utak at talino ng maraming Pilipino ay hindi nakatuon sa paghahanap ng katotohanan o kaya sa pag-analyze ng mga ito upang masiguro na ang mga facts at ang lohika ng anumang posisyong pinag-iisipan ay mismong tama, bago na paniwalaan at panindigan ang mga ito.

Para sa maraming mga Pilipino, lumalabas nga na mas importante na ang tao ay may tunay at matinding paniniwala sa kung anuman ang kanilang pinapaniwalaan, at ang talino ay ginagamit lamang upang maipagtanggol ang pinapaniwalaang ito.

Kumbaga, maraming Pilipino ay agad-agad nagpapadala sa maling akala at agad-agad nila itong pinapaniwalaan.

Kung mayroong nagtangkang kumontra sa pinapaniwalaang yan na mali, ang marami sa mga magagaling at matatalinong Pilipino ay di mag-iisip na ibahin nila ang kanilang maling akala, kundi dahil sa ayaw nilang mapahiya sa kamali-an ng kanilang paniniwala, gagamitin nila ang kanilang talino upang ipagtanggol nila ang kanilang maling paniniwala na dulot ng maling akala!

Isa dyan ay ang mga “matatalinong” Pilipino na sumuporta kay Erap noong 1998 at ganun din ang mga “matatalinong” Pilipino na kasalukuyang sumusuporta kay Noynoy.

Sa objetibong pananaw, talagang kulelat at mali ang kanilang panig, ngunit dahil ayaw nilang mapahiya, talagang ipaglalaban nila ang kanilang maling paniniwala sa paraan ng pambobola at pagbabali-baligtad ng mga salita upang na ang bughaw ay magmukhang pula, at ang puti ay magmukhang maitim.

Sa Kanluran ng kasalukuyan, baligtad.

Imbes na mauna ang paniwala sa isang bagay, ang ginagawa nila ay kikilatisin muna ito ng mabuti sa paraan ng pag-research at ng pag-analyze ng masinsinan. Dahil sa pag-research at sa sobrang pag-analyze nila, marami silang nakokolektang data, facts, ebidensya, impormasyon, at mas nauunawaan nila ng husto ang mga implikasyon at ang mga iba’t-ibang posibilidad dahil binabalibaligtad nila ang mga ito, kinikilatis at dina-dissect ang mga impormasyong mga ito sa tamang paraan.

Doon lang sa huling-huli na, kung talagang wala nang maaring maging pangongontra laban sa kongklusyong napupuna nila, ay ilalabas nila ang kanilang napunang kongklusyon at yun ang kanilang paninindigan.

Kung meron mang gustong kumontra, agad-agad silang may sagot na makakapagtanggol sa kongklusyong iyong dahil sa matinding trabaho ng pag-research, pangongolekta ng impormasyon, at pag-aanalyze ang nagawa na nila.

Paminsan nga, nagkakaroon mismo ng bagong impormasyon (kung may bagong natuklasang dati ay di alam ng mga tao), nagkakaroon ng panibagong analisis, at dahil doon, madalas nagkakaroon ng bagong teoriya na pumapalit sa lumang teoriya. Handa nilang baguhin ang kanilang pinapaniwalaan kung ang ebidensya ay magkakaroon ng bagong direksyon. Kumbaga, susundan nila ang ebidensya, at ang kanilang “pinapaniwalaan” ay hindi naka-base sa personal na gusto kundi sa obhetibong analisis at bunga ng ebidensya.

Hindi naman din natin masasabi na ang Kanluran ay hindi dumaan sa maling paraan ng pag-iisip, sapagkat noong panahong Medieval, ang mga Europeo rin ay ganoon ang uri ng pag-iisip ng marami sa kanila, lalung-lalo na sa larangan ng Relihiyon at Teolohiya, na kung saan nauna ang “paniniwala” at ang paggamit ng lohika ay ginagamit lamang upang ipagtanggol ang mga pinapaniwalaang doktrina.

Ngunit umiba ang ganyang klaseng pag-iisip noong Panahon ng mga Ilustrado sa Europa.

Nagkaroon ng tuon sa Agham at sa pagiging obhetibo muna bago gumawa ng desisyon o kaya bago gumawa ng kongklusyon.

Sa madaling salita, eto ang problema natin ngayon: Ang uri ng pangangatwiran nating mga Pilipino ay naandoon pa rin sa Panahong Medieval na kung saan “doktrina”, “pamahiin”, at “maling akala” ang nangingibabaw, habang ang kasalukuyang Europa at Amerika at lahat ng mga mauunlad na bansa, ay moderno na ang uri ng pag-iisip dahil importante sa kanila ang analysis, paghahanap ng ebidensya at beripikasyon ng mga ito bago tanggapin ang isang bagay bilang totoo.
Uri ng pangangatwiran ng maraming mga Pilipino:

1. Makinig sa sinasabi (tsismis) o sinusulat ng ibang tao (tulad ng mga kolumnista).

2. Kung gusto mo ang narinig o nabasa mo (o kaya may matinding paggalang ka sa taong nagsabi o nagsulat), maniwala ka sa sinabi/sinulat ng taong yun at tatanggapin mo yon bilang totoo.

3. Kung may nagtanong o kumontra, gamitin ang katwirang sinabi sa 1 (ready answer) o kaya ang narinig mong pangagatwirang narinig mo sa 2-A.

4. Kung talagang matindi ang paniniwala mo sa bagay na yun, gagamitin mo ang utak mo para mambola at para magmukha kang tama. Sa madaling salita, dito sa 4 nagiging matindi ang paggamit ng utak/talino ng maraming mga Pilipino: sa pambobola.

Samakatwid, ang problema ay dahil madaling maniwala ang Pilipino sa sinasabi o sinusulat ng ibang taong kanilang nirerespeto, at sa 4, ang problema ay ang paggamit ng pambobola upang na ikaw ay makmukhang tama. “Pagmumukhang tama” ang naging hangarin at hindi ang “pagiging tunay na tama.”

Uri ng pangangatwiran ng mga taong galing sa Kanluran at sa mauunlad na bansa

1. Makinig sa sinabi o sinulat ng ibang tao at pakinggan ang mga katwiran at impormasyong pinagbabasehan ng taong yon.

2. Huwag muna maniwala at huwag muna ibale-wala ang sinabi ng tao hangga’t may ebidensiya para o kontra sa sinabi/sinulat ng taong yon.

3. I-verify muna kung totoo nga ang mga sinabi o sinulat ng taong ito sa paraan ng pag-research at pangongolekta ng facts/impormasyon at i-analyze ang uri ng lohikang ginamit ng taong yon upang malaman kung ito nga ay tama o mali. Dito sa 3 matindi ang paggamit ng utak at talino ng mga taong taga Kanluran at pati na rin ng mga galing sa mga bansang maunlad o kaya’y mabilis umunlad: sa matinding pangongolekta ng impormasyon at sa analisis.

4. Kung tama ang mga impormasyon, kung tama ang lohikang ginamit, at matapos bali-baligtarin ang mga yon ay tama pa rin ang lahat, maari ka nang maniwala sa sinabi ng isa at tanggapin ito bilang katotohanan.

5. Kung may nangontra o kaya nagtanong sa yo tungkol sa bagay na iyon, mayroon ka nang tamang pangangatwirang makakapagtanggol sa bagay na yon, at di mo na kailangang mambola, dahil mayroon ka nang sapat na impormasyon at analysis na ginawa bago mo tinanggap ang bagay na iyon bilang totoo.

* * *

Kumbaga, sa maraming mga Pilipino, madalas ay agad-agad tayong naniniwala (o kaya agad-agad hindi naniniwala) sa isang bagay at ito ay nakabase sa personal na kagustuhan o kaya nakabase sa respeto natin sa kung sinuman ang nagsabi o nagsulat sa bagay na yon. Doon lang ginagamit ng marami sa atin ang talino kung kailan may kumontra at kung kailangan na nating ipagtanggol ang ating mga paniniwala.

Mali ito.

Dapat kasi, inuuna ang pag-analyze at pangongolekta ng impormasyon BAGO nating paniniwalaan ang isang bagay na sinabi o sinulat ng kung sinuman. Doon lang tayo maniniwala sa isang bagay kung talagang totoo nga ito, at hindi dahil sa ating personal na kagustuhan o kaya dahil sa ito’y sinabi ng taong rinerespeto natin.

E kung ang lolo mong rinerespeto mo ay nagsabi na “Huwag kang dadaan sa bata mong kapatid na natutulog sa sahig! Di siya tutubo! Di siya lalaki. Magiging pandak siya!” (isang pamahiin)

Ano, maniniwala ka?

Kung sinabi ng maraming sikat na artista na “siya na nga” maniniwala ka ba agad sa sinasabi nila?

Kung sinabi ng isang sikat na kolumnistang nagngangalang “Conrado de Quiros” na si Noynoy daw ang “Good sa laban ng Good versus Evil”, maniniwala ka ba?

Kung ika’y taga-Kanluran, mag-aanalyze ka muna. Maghahanap ka muna ng impormasyon/facts na magbibigay-linaw sa isyu bago ikaw gumawa ng desisyon.

Hindi kaya ganoon ang dahilan ng kanilang kaunlaran?

…at kaya tayo kulelat at nakakahiya at pinagsasabihang bobo at tanga raw ay dahil ang basehan natin ay emosyon/sentimiento o kaya personal na kagustuhan o kaya dahil ang nag-eendorso ng maling akala ay taong ginagalang o kaya’y taong sikat?

Tingin ko ganun nga!

Hindi tayo bobo, mga kababayan. Kaya mag-isip tayo ng mabuti.

Huwag tayo agad naniniwala sa maling akala, at huwag rin nating agad-agad tanggihan ang ibang mga posibleng solusyon (tulad ng Parliamentary System at iba pa) HANGGAT NAKILATIS NATIN NG MABUTI ANG MGA ISYU bunga ng matinding analysis at pangongolekta ng impormasyon.

Ang orihinal na nauna sa aking José Rizal (reengkarnasyon lamang ako ) ay nagturo dati na ang mga Pilipino ay dapat matutong mag-isip ng tama, na dapat tayo matutong magbasa, matutong mangolekta ng maraming impormasyon, matutong gumamit ng lohika, at matutong mangatwiran ng tama, hindi para sa pambobola at para ipagtanggol ang ating mga ego at personal na paniniwala, kundi gamitin ang mga ito upang malaman natin ang katotohanan!

Matagal na niyang sinasabi ito sa Noli at pati na rin sa Fili at pati na rin sa mga napakaraming nasulat niyang mga artikulo at komentaryo.

(Kung tutuusin, ayon sa predecessor ko, ang tunay na nag-aapi sa mga Pilipino ay ang MALING AKALA, MALING PAG-IISIP, at KATAMARAN NATING MGA PILIPINO!)

Hindi porket naniniwala kayo sa isang bagay ay totoo na ang bagay na iyon. Maling akala ang tawag dyan. At ang mga utak natin ay ibinigay sa atin ng MayKapal upang malaman natin ang katotohanan sa tamang paraan, upang magawa natin ang tama.

Aaminin ko na totoo ngang mas madaling maniwala na lang sa kung anumang sinasabi o sinusulat ng iba, at “nakakapagod” mag-analyze at mangolekta ng impormasyon, upang makarating sa tunay na katotohanan. Pero maling-mali talaga ang katamaran sa bagay na ito. Kung ikaw ay tamad na mag-isip, mas mabuti pang sabihin mo na lang na wala kang masabi tungkol sa isyu na iyon, imbes na mambola ka at panindigan mo ang iyong MALING AKALA!

Walang nagsabing madali ang maging tunay na ilustrado. (At di ito social class! Ang pagiging “ilustrado” ay nangangahulugang “enlightened” o tunay na taong maraming alam at tunay na nag-iisip!)

Kung ikaw ay taong tamad mag-isip, tamad mangolekta ng impormasyon, tamad na mag-analyze at mag-isip, at mas gusto mong gamitin na lang ang sinasabi o sinusulat ng ibang tao, di bale nang di mo talaga alam kung totoo nga ba ang sinasabi o sinulat nila, o sasabihin mong “ah basta, ganyan lang talaga e!” o kaya mambobola ka na lang para ipagtanggol ang sarili mong ego imbes na aminin mong di mo pala talaga alam, masasabing ikaw ay sagabal sa kaunlaran ng Pilipinas!

Ang utak at talino ay hindi binigay sa atin para gamitin sa pambobola. Ang utak at talino ay hindi binigay sa atin para puede nating bali-baligtarin ang katotohanan at ipamukhang maitim ang puti, na bughaw ang pula, na tama ang mali, na mali ang tama.

Mga kababayan, KINAKAILANGAN NA NATING MAGBAGO SA ATING PAG-IISIP!!


About Dr. José:
José Rizal II is the present-day reincarnation of the original José Rizal in almost every way except for height (he's taller) and doctoral specialization (not an opthalmologist). In terms of hairstyle, clothing preferences, interests, and aptitude, he's practically the original reborn for this present era. *wink* * Dr. José Rizal II is on twitter... Follow him @drjr2 & e-mail him at joeriz2@yahoo.com


Source: http://antipinoy.com/problema-ng-pinoy-ginagamit-ang-talino-para-mambola-hindi-para-dumating-sa-katotohanan/


No comments:

Post a Comment