Thursday, February 25, 2010

Kahirapan ng Pinoy: Hindi dulot ng “Korapsyon” kundi Kabobohan, Sobrang Hilig sa “Party” at Katamaran

Isusulat ko ang sanaysay na ito sa wikang Tagalog dahil medyo “usapang bahay” ang aking sasabihin at para lubos na maintindihan ito ng mas maraming Pinoy.

Nag uusap usap kami madalas ng aking mga matatalik na kaibigan at nabanggit na kapag tatanungin mo ang isang Pinoy kung ano ang pinakamalaking problema ng Pilipinas kaya hindi ito umuunlad, ang malamang na sasabihin sa iyo ay “Korapsyon”. Nagkaisa kami sa damdamin namin na nakakasawa na pakinggan ang katagang yun mula sa ating mga kababayan. Ang nagiging dating nito ay ibinabaling na nila ang sisi sa ibang tao o bagay (na sa kasong ito ay ang pamahalaan) na dahilan daw ng kanilang kalagayan.

Kami ay mga nakapaglakbay na sa iba’t ibang bansa at nagtrabaho o nagnegosyo doon, at nakakita din kami ng mga “korapsyon” na minsa’y mas laganap pa kaysa sa Pilipinas. Sabi ng isa sa amin na nagtrabaho sa Beijing, marami doon na tinatawag na “backroom deals” at lagayan sa pamahalaan na baka nga mas garapal pa kaysa sa Pilipinas. Pero ang bansa nila ay maunlad. Ang Thailand, Taiwan at Vietnam ganun din pero sila ay mga higit na mauunlad kaysa sa Pilipinas. Maski dito sa Estados Unidos ay garapal din ang “korapsyon” sa pamahalaan pero kahit may recession, maunlad pa rin ito kumpara sa ibang bansa. Ang mga bansang Hapon at Korea ay meron ding korapsyon at nasa balita ang mga opisyal nila na nahuling nangungurakot.

Alligator[1]

Samakatuwid, hindi monopolya ng Pilipinas ang Korapsyon. Simplistico ang sabi ng mga tulad ni Noynoy na yun daw ang sanhi ng kahirapan ng bansa. Hindi kami naniniwala doon. Naniniwala kami na ang tunay na sanhi ng pagkalugmok ng Pilipinas at mga Pilipino ay ang Kabobohan, Sobrang pagkahilig sa “Party” at ang Katamaran.

Tingnan na lang natin ang Thailand. Sa Pilipinas sila natuto ng mga kaalaman tungkol sa Bigas, doon sa International Rice Research Institute (IRRI) sa UP Los Banos. Pero ngayon, ang Thailand ay kumikita ng malaki sa pag export ng bigas samantalang ang Pilipinas ay nag aangkat nito – SA KANILA. Ngayon, sino ang matalino? Ang gumamit ng kaalaman para kumita o ang sinayang ang kaalaman at kung ano anong mga kalokohan ang inintindi kaya napag iwanan na?

May magandang punto din na nabanggit ang kaibigan ko na may mga Pinoy na nagsasabi na “boring” daw ang mga bansang Singapore o Malaysia. Yun ay dahil mas nakatuon sila sa pagpapaunlad ng mga bansa nila at sarili nila imbes na mag party nang mag party kahit nagkakanda leche leche na ang bansa na siyang ginagawa ng mga Pinoy. May mga kilala kami na halos linggo-linggo may party sa kanilang bahay. Ang kahalintulad ng mga Pinoy ang ang mga bansa sa Latin America na ganun din na mahihilig sa party kaya hindi rin nagsisiunlad.

Ang China, Korea at Hapon na may korapsyon din sa pamahalaan ay mauunlad dahil ang kanilang mga industriya ay umabante ng husto dahil sa kanilang kasipagan. Ito din ang mapapansin mo sa mga Tsino sa Pilipinas na mauunlad kahit may korapsyon sa pamahalaang Pinoy. Kaya hindi kami maniniwala o magsasabi na korapsyon ang dahilan kaya lubog ang Pilipinas. Kapag natuto na mag-isip, magtrabaho at magbawas-bawas ng pagkahilig sa party ang mga Pilipino ay saka uunlad ang Pilipinas.

Ano sa tingin niyo?

Source: http://antipinoy.com/hirap-ng-pinoy-hindi-dulot-ng-korapsyon-kundi-kabobohan-sobrang-hilig-sa-party-at-katamaran/


No comments:

Post a Comment